WALANG kahirap-hirap na naabot ng tanggapan ng Bureau of Customs (BOC) sa San Fernando sa lalawigan ng La Union ang itinakdang target collection ng naturang distrito para sa buwan ng Setyembre.
Sa datos ng BOC Financial Service (BOC-FS), nakapagtala ng P1,055,542,982.88 kita ang BOC-Port of San Fernando, La Union (BOC-SLFU) katumbas ng “outstanding performance” sa larangan ng wasto at naaayong sistema ng paglikom ng buwis at taripang kalakip ng mga pumapasok at lumalabas na kargamento sa pinangangasiwaang pantalan sa gawing hilaga ng Luzon.
Batay sa pagtataya ng BOC-FS, lumabis pa ng P241.887 milyon (katumbas ng 29.73% increase) ang naitalang koleksyon ng BOC-SFLU kumpara sa P813,655,778.61 target collection para sa buwan ng Setyembre 2022.
Ayon pa sa BOC-FS, kapansin-pansin ang sigasig ng naturang distritong nagpamalas ng walang puknat na paghagip ng buwanang target collection mula Enero.
Tugon naman ng pamunuan ng nasabing distrito sa lalawigan ng La Union, mas angkop na ibigay ng pagkilala sa mga kawaning higit na nagsakripisyo sa pagtupad ng nakaatang na mandato. (JO CALIM)
