NITONG Martes, Hunyo 8, tumulak ako patungong Bohol bilang pagtugon sa imbitasyon ni Rep. Aris Aumentado ng ika-2 Distrito ng Bohol.
Sa kanyang imbitasyon, ipinakiusap ng kongresista na magsagawa ng “information Caravan” sa mga munisipyo na sakop ng kanyang distrito hinggil sa programa para sa OFWs, kabilang ang bayan ng Ubay na pinamumunuan ni Mayor Constantino H. Reyes.
Kung hindi nga lamang sa ipinapatupad na heath protocols ng Inter – Agency Task Force (IATF) na naglilimita sa bilang ng mga maaaring dumalo sa anomang pagtitipon para masiguro ang “social distancing”, tiyak na mapupuno ang Ramon Magsaysay Gymnasium sa dami ng mga OFW, dating OFWs at kani-kanilang mga pamilya na nagkainteres sa ating ibabalitang programa mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Sa simula ng aking pagsasalita, aking tinanong kung nabalitaan na ba nila ang programa ng OWWA na “Tulong Pangkabuhayan para sa Pag-Unlad ng Samahang OFWs”, o Tulong Puso.
Sadyang nalungkot ako sa tugon nila dahil halos mabibilang sa daliri ang nagsabing nabalitaan nila ang Tulong Puso.
Sa Buenavista na dinaluhan ng mahigit sa 100 katao at sa Barangay Cogon sa Tagbilaran na dinaluhan naman ng mahigit 80 OFWs ay wala maski isa sa kanila ang nakakaalam ng Tulong Puso.
Dahil dito, gumawa ng paraan ang AKOOFAW na makausap ang ilan sa mga alkalde sa District 1, kabilang sina Mayor Pureza Chato; Balllihan Mayor Lynn Iven Lim; Cortez Mayor Elvi Peter Relampagos at Mayor John Geesnell Yap ng Tagbilaran.
Aking ipinaliwanag ang patakaran, o implementing rules and regulations (IRR) na may kinalaman sa Tulong Puso.
Bagama’t nalulungkot sila na ngayon lamang nila narinig ang Tulong Puso, lubha rin naman silang humanga at nagpapasalamat sa OWWA.
Samantala, nang mabalitaan ng aking kaibigang si Rep. Alexie Tutor ng District 3 na ako ay nasa Bohol, agad naman itong nakiusap at nag-imbitang dalawin din namin ang kanyang nasasakupang distrito.
Kahit biglaan ang aking pagpunta sa Anda, Bohol, napakaraming dumalo mula sa 19 na munisipalidad ng District 3 na kinabibilangan ng mga vice mayor at ng managers ng mga Public Employment Service Office (PESO).
Labis-labis ang aking pasasalamat kina Rep. Aris Aumentado at Rep. Alexie Tutor na patuloy ang pagmamalasakit sa kapakanan ng mga OFW sa kani-kanilang distrito.
Hangarin ko na maabot ang bawat bayan sa Pilipinas upang tulungan ang OWWA na ipalaganap ang programa nito, kahit pa ang gastusin dito ay mula sa aking bulsa.
238
