BRGY. CAPTAINS IPAAARESTO NI PDU30, QC COUN. PUMAREN PASAWAY RIN?

HALATANG galit na si ­Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ‘talk to the people/nation’ na ginanap kamakailan sa mga Brgy. Captain matapos malaman nya ang nangyaring mass gathering sa tatlong lugar sa Caloocan City, Quezon City at Norzagaray, Bulacan.

Hindi na naman maiwasan ni Pangulong Duterte na magmura dahil sa galit nya sa mga pasaway na mga tao sa nasabing mga lugar.

At lalo pa sa mga brgy. captain na pabaya sa kani-kanilang mga tungkulin.

Paano nga naman hindi magagalit si Pangulong Duterte eh binabalewala ng mga tao ang health protocols na ipinatutupad ng gobyerno?

Hindi rin naniniwala si Pangulong Duterte na walang pahintulot ang mga kapitan sa mass gathering na nangyayari sa tatlong lugar na ito.

Una, ang pangyayari sa Gubat sa Ciudad sa Brgy. 171 Bagumbong, Caloocan City na panahon ng Mothers Day.

Dinagsa ng maraming pamilya ang lugar na ito na hindi nasunod ang minimum health protocols.

Ang dami pa man ng mga bata na kasama ng kanilang mga magulang na nagpunta sa resort sa Gubat sa Ciudad.

Sinundan sa Bgry. Nagkaisang Nayon sa ­Quezon City na nagkaroon din ng mass gathering sa pamamagitan ng videoke at inuman ng maraming tao.

At ang pangatlo ay sa Brgy. Matictic, Norzagaray, Bulacan na balewala sa kanilang pagtatampisaw sa ilog sa lugar na yan ang Covid-19 pandemic.

Ang tatlong mass ­gatherings sa mga lugar na nabanggit ay tinawag ng ­gobyerno na super spreader ng COVID-19.

Sa tatlong lugar na ito ay may mga nagpositibo sa swab test sa COVID-19.

Ang problema nito ­ngayon ay hindi lahat ng mga nagpunta sa Brgy. Nagkaisang Nayon, Gubat sa Ciudad sa Brgy. 171 Bagumgong, at Brgy. Matictic sa Norzagaray ay nakita ng gobyerno sa kanilang contact tracing na isinasagawa.

Dapat ang mga kapitan sa mga lugar na yan ang inutusan nyo na hanapin nila lahat ang mga nagpunta sa lugar na yan para ma-swab test sila, yan ay dapat kasama sa parusa sa kanilang tatlo.

Ang mga tao na yan hindi na mahanap na nagtungo sa tatlong lugar na yan, ang nagkakalat ng lagim sa kani-kanilang mga lugar na tinawag na super spreader ng COVID-19.

Kaya hindi nakakapagtaka kung bakit kumakalat ang virus ng COVID-19 sa buong bansa.

Lalo na ngayon na may ibat-ibang variant na mabilis makahawa ang virus sa mga tao.

Hindi po biro ang virus na ito dahil mahigit na kumulang na sa 20k na ang namamatay sa mga Pinoy.

Imbes na manatili kayo sa mga bahay nyo para makaiwas sa pagkahawa sa ­COVID-19 kayo pa ang magdadala ng virus sa pamilya nyo.

Kaya tama lang ang desisyon ng Pangulong Duterte na ipahuli sa pulis ang mga barangay captain na mga pabaya sa kanilang trabaho.

Hindi pa man nareresolba ang problema sa tatlong barangay captain ay isa na namang Konsehal sa Quezon City ang naging pasaway.

Siya ay si Majority Floor Leader Franz Pumaren na ­inisyuhan ng show-cause order (SCO) ni Quezon City Mayor Joy Belmonte.

Pinagpapaliwanag ng alkalde si Konsehal Pumaren sa umanoy ‘alleged violation of health protocols’ sa kanyang food distribution activity sa Brgy. Old Balara noong nakaraang May 25, 2021.

Sa pinakahuling info na natanggap ng PUNA, natanggap na raw ni Konsehal Pumaren ang SCO.

Kaya ngayon pinag-aaralan at nag-iimbestiga ang City Legal Department ng siyudad kung nararapat na bang kasuhan si Konsehal Pumaren.

Susubay-bayan natin ang isyung ito, tingnan natin kung totohanin ni Mayor Belmonte ang kanyang inilbas na statement laban kay Konsehal Pumaren noong nakaraang Mayo 26, 2021.

Ang Quezon City kasi ang siyang pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa buong bansa.

Ang titigas kasi ng mga ulo ninyo eh, kaya nagagalit si Pangulong Duterte sa inyo.

Sinubukan po natin na makuha ang panig ni Konsehal Pumaren tungkol sa isyu laban sa kanya, subalit hindi natin siya makontak.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email ­joel2amongo@yahoo.com at ­operarioj45@gmail.com o kaya magtext sa 0956-951-00-57.

139

Related posts

Leave a Comment