15 MILLION BOTANTE SAAN NA KAYO?

ISANG resolusyon ang ihinain sa Kamara na nag-aatas sa Commission on Elections (Comelec) na dagdagan ang kanilang satellite office sa iba’t ibang panig ng bansa dahil mayroon pa raw 15 million botante ang hindi pa nakakapagparehistro.

Sa ganang akin, hndi na dapat kalampagin ang Comelec para gawin nila ang kanilang trabaho. Mayroon silang sapat na pondo para sa registration at dapat gawin nila ang lahat para maabot ang mga hindi pa ­nakakapagrehistro.

Base daw kasi sa datos ng Philippine Statistics ­Authority (PSA), 78 Million na raw ang bilang ng mga Filino na edad 18 anyos pataas pagdating ng araw ng halalan sa Mayo 9, 2022.

Pero sa nasabing bilang, 15 milyon pa raw ang hindi nakakapagrehistro para ­makaboto sa susunod na eleksyon kaya hindi lang double time ang gawin ng Comelec kundi triplehin pa ang kanilang kilos.

Kabilang sa mga ito ang mga dating botante na hindi nakaboto ng dalawang beses kaya inalis na ang kanilang pangalan sa list of voters at yung iba naman ay lumipat na ng lugar at hindi nagparehistro sa nilipatang siyudad o munisipalidad.

Yung iba naman ­sadyang ayaw ng bumoto dahil hindi naman daw lumalabas ang kanilang ibinoboto at kahit boto sila ng boto ay wala naman daw pagbabago sa gobyerno.

Parang nagsawa na sila. Walang silbi ang kanilang boses dahil wala pa rin namang nagbabago pagkatapos maluklok ang kanilang ­napiling kandidato. Namamayani pa rin ang katiwalian.

Hindi ko masisisi ang mga taong ayaw ng bumoto dahil lagi silang binibigo ng mga iniluklok nila sa kapangyarihan. Walang natutupad sa pangako tulad ng trabaho, hustisya para sa lahat, tatapusin ang katiwalian, gagawing mapayapa ang bansa at kung ano-ano pang pangako.

Pero dapat magdesisyon na ang lahat, kasama na ang mga hindi pa rehistrado dahil nasa kamay pa rin nating mga botante ang kinabukasan ng bansa. Kung ayaw nating bomoto dahil lagi tayong binibigo ng mga pulitiko ay lalong hindi magbabago ang ating bansa.

Yang 15 million na hindi pa nakaparehistro, kayang baguhin ang sistema, kayang magluklok ng matinong lider at kayang tapatan ang mga loyal voters ng mga pultikong inaawayan niyo.

Kailangang magrehistro na habang may panahon pa lalo na’t hanggang Oktubre na lang at isasara na ng Comelec ang registration. Medyo mahirap dahil kailangan mong maglaan ng oras pero isipin nyo na lang na ito ay para sa bayan, para sa kinabukasan ng inyong mga anak at apo.

Napakahalaga ang susunod na eleksyon dahil ang iboboto natin ay ang susunod na mamumuno sa ating bansa sa loob ng anim na taon.

Lugmok ang kalagayan natin ngayon dahil sa pandemya kaya dapat pumili tayo ng maayos na Pangulo na mag-aahon sa atin sa kasalukuyan nating kalagayan.

Kailangan din natin na magluklok ng maayos na senador, congressmen, ­governor, mayor na totoong nagpapahalaga sa ating lahat at tutupad sa kaniyang pangako, kahit papaano.

Pero mangyayari lang yan kung magpaparehistro tayo para makaboto sa susunod na eleksyon. Kung hindi, huwag na tayong umasa na may pagbabagong mangyayari sa ating bansa.

Huwag na tayong ­magreklamo na kesyo ang hirap na buhay, kesyo walang oportunidad, kesyo walang katarungan, kesyo malala ang katiwalian at kung ano-ano pa, kapag hindi natin gamitin ang ating boses na nangyayari lang kada tatlong taon para sa local officials at 6 na taon para sa Pangulo.

157

Related posts

Leave a Comment