(NI JOEL O. AMONGO)
MARILAO, Bulacan — Pinaiimbestigahan ni Atty. Jem Sy, mayoralty candidate, sa katatapos na eleksiyon sa Commission on Elections (Comelec)at Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga barangay officials na nangunguna sa dayaan ng eleksiyon sa nasabing bayan, nitong Lunes.
Sa panayam ng Peryodiko Filipino Incorporated PFI/SAKSI kay Atty. Jem Sy, sinabi niyang mismong si Sta. Rosa-2 Brgy. Captain Melvin Guillermo umano ang nangunguna para takutin at i-harass ang kanyang mga tauhan.
Bukod umano kay Kapitan Guillermo, kasama rin niya ang kanyang mga kagawad para i-harass ang mga tauhan ni Sy.
Binanggit pa ni Sy, na lantaran ang pagsuporta ng mga barangay officials sa kandidato ni Silvestre na malinaw na paglabag sa batas ang kanilang ginagawa.
Idinagdag pa ni Sy na dapat ang mga barangay officials ay non-partisan kaya dapat hindi sila nagpapagamit sa mga kandidato tulad ni Silvestre.
Samantala, isinumbong din ng isang botante sa PFI/SAKSI na dakong alas-11 ng tanghali nitong Lunes ay isang matanda ang namimigay ng tig-P500 sa bawat botante sa loob mismo ng Sta-Rosa-2 Elementary School.
Bawat botante umano ay binibigyan ng P500 ng matanda at binubulungan ito kung sino ang kanilang iboto. Wala umanong magawa ang mga residente sa lugar dahil mga barangay officials mismo ang nasa likod ng sinasabing dayaan.
Ayon pa sa isang nakapayaman ng PFI/SAKSI kaya umano naging mahigpit ang labanan ng mayoralty ng Marilao dahil ito umano ang kauna-unahang pagkakataon na may babaeng tumakbong alkalde ng Marilao.
Ang Sta. Rosa-2 ay may mahigit sa 4,500 botante kung saan magkatungali sina Silvestre at Sy.
