(NI BERNARD TAGUINOD)
IPINASISILIP ng isang miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kung nagkaroon ng ‘bribery’ kaya na nauwi sa ‘onerous contract’ ang concession agreement sa pagitan ng gobyerno at mga water concessionaires.
Ginawa ni Bagong Henerasyon (BH) party-list Rep. Bernadeth Herrera ang nasabing suhestiyon habang iniimbestigahan ng House committee on public accountability at good government ang water concession agreement sa Manila Water at Maynilad.
“We want a meticulous audit of the MWSS water contracts. We want every name, every signature, every initial, every person who had any role in the cancelled MWSS resolution charged and prosecuted,” ani Herrera.
Ang concession agreement ay pinirmahan noong 1997 sa panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos kung saan ang Metropolitan Waterworks Sewerage System (MWSS) administrator noon ay si Lito Lazaro.
Tumayong abogado ng gobyerno ang ACCRA Law office nang pirmahan ang concession agreement na ayon sa Department of Justice (DOJ) ay 8 hanggang 12 probisyon dito ay “onerous” o pabigat hindi lamang sa gobyerno kundi sa mga consumers.
“If there was any kind of bribery and other forms of graft and corruption at play, the more that these unfaithful public servants and corporate officials should be prosecuted,” ayon pa kay Herrera.
Sinabi ng mambabatas na kailangang magkaron ng katarungan dahil ginawang gatasan umano ng mga water concessioniares ang mga consumers sa matagal na panahon.
Nagsimula ang problema ng mga water concessionaires nang manalo ang mga ito sa kasong isinampa sa Singapore based na Permanent Court of Arbitration (PCA) matapos hindi sila payagang magtaas ng singil sa tubig mula noong 2015 hanggang 2017.
Ikinagalit ito ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil pinagbabayad ang gobyerno ng P10.8 Billion o P7.4 Billion sa Manila Water at P3.4 Billion sa Maynilad kaya inutos nito na busisiin muli ang concession agreement at bawiin ang kasunduan kung kinailangan.
Una nang nagsabi ang Manila Water at Maynilad na hindi na nila sisingilin ang kanilang monetary award at hindi na rin itutuloy ang water rate hikes sa Enero 2020.
