BRIDE PATAY, GROOM SUGATAN SA SALPUKAN NG MOTOR AT KOTSE

LAGUNA – Nasawi ang isang 27-taong gulang na guro na nakatakdang ikasal habang sugatan ang groom-to-be nito matapos magsalpukan ang isang motorsiklo at isang kotse sa Barangay 6, Calamba City noong Sabado ng umaga.

Kinilala ang nasawi na si Crislyn Paro, residente ng Palingon, angkas sa motorsiklo na minamaneho ng kasintahan nitong si Miguel August Ocampo, 26, na napinsala rin sa insidente.

Ayon sa imbestigasyon, bandang alas-4:30 ng umaga, binabagtas ng motorsiklo ang JP Rizal Street patungong Crossing, Barangay Uno nang sumalpok ito sa isang puting Toyota Wigo na minamaneho ni Jebson Calderon, 32, na umano’y biglang tumawid sa interseksyon ng isang one-way street.

Sa lakas ng banggaan, tumilapon sa kalsada ang magkasintahan.

Ayon pa sa pulisya, nakasuot naman ng crash helmet ang dalawa subalit tumilapon din ito dahil sa lakas ng pagkasalpok.

Agad isinugod ang mga ito ng nagrespondeng mga tauhan ng CDRRMO sa Dr. JP Rizal Memorial Hospital.

Kalaunan ay inilipat si Ocampo sa AMSI Doctors Hospital, habang dinala si Paro sa Pamana Hospital kung saan idineklarang wala nang buhay bandang alas-6:45 ng umaga dahil sa traumatic brain injury.

Ayon sa kaanak ng biktima, nakatakdang ikasal ang nasawing guro sa Abril 21 at naihanda na nito ang lahat ng mga kailangan at ang venue.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng kotse at isasailalim sa alcohol test habang inihahanda ang kaukulang kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injuries and damage to property na isasampa laban dito.

(NILOU DEL CARMEN)

4

Related posts

Leave a Comment