BRUTALITY NG POGO NILANTAD SA KAMARA

SA unang pagkakataon, ipinakita ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa publiko kung gaano kabrutal ang mga Chinese na nasa likod ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Sa joint hearing ng House committee on public order and safety at committee on games and amusement hinggil sa operasyon ng mga POGO sa bansa, ilan sa mga mambabatas ang pumigil na sa pagpapalabas ng mga video kung papaano tino-torture ang mga POGO worker na lumalabag sa kanilang patakaran.

Unang iniharap ni PAOCC spokesman Dr. Winston Casio, ang mga dayuhang nasagip sa torture na kinabibilangan ng mga Chinese at Malaysian national.

Gayunpaman, sa mosyon ni Leyte Rep. Richard Gomez, pinayagan ni Sta. Rosa Laguna Rep. Dan Fernandez, chairman ng committee on public order and safety si Casio na ilabas ang video na nakumpiska ng mga ito sa niraid nilang POGO sa Bamban, Tarlac at sa Porac, Pampanga upang maintindihan ng lahat ang nangyayari sa loob ng mga ilegal na POGO.

“What are we trying to portray here is the evil of the illegal activities that has been perpetrated in our country. And it was not done by the Filipino but it was done by other foreigners in cahoots with Filipinos,” ani Fernandez.

“Ako noong napanood ko, medyo offending sa atin eh. Binabastos nila ang ating gobyerno,” dagdag pa ni Fernandez bago inilabas ang torture videos na nakumpiska ng PAOCC sa Lucky 99 sa Porac.

Ipinakita rin ang video ng mga biktima na kinukuryente habang nakatali sa bakal habang isang Malaysian naman na nakaposas, nakababa ang pantalon at may balot ang mukha ay walang habas na pinagpapalo ng kahoy sa ulo, batok at iba pang parte na katawan.

“Etong Malaysian na ito subject of rescue. Unfortunately natagpuan siyang patay noong nakaraang taon. Malaysian po ito. Humingi sa atin ng tulong ang Malaysian Embassy pero hindi na po natin naabutan nang buhay po yan,” ani Casio.

Hindi na inilabas ang iba pang video tulad ng sexual torture matapos hilingin ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong dahil marami sa mga ito ang hindi kayang panoorin ang kalupitang dinanas ng POGO workers.

Ayon kay Adiong, naka-live stream ang pagdinig at posibleng mapanood ito ng mga menor de edad.

Senate Probe Suportado

Samantala, suportado ng Porac LGU ang imbestigasyonng Senado laban sa mga ilegal na POGO.

“Ako at ang Sangguniang Bayan council ng Porac ay sumusuporta sa imbestigasyon na isinagawa nina Senator Risa Hontiveros at Senator Sherwin Gatchalian sa mga ilegal na POGO, at nagpapasalamat ako sa kanila sa pagbibigay sa akin ng pagkakataong ipahayag ang aming panig tungkol sa usapin,” ani Mayor Jaime “Jing” Capil.

Kinatigan din ng alkalde ang panawagan ng mga senador na ipagbawal ang mga POGO, na ngayon ay tinatawag na Internet Gaming Licensees (IGLs) sa bansa lalo pa’t mas nakalalamang ang hindi mabuting dulot nito kaysa sa pakinabang.

Tiniyak ni Mayor Capil sa kanyang mga nasasakupan at sa bansa ang kanyang hindi natitinag na pangako na makipagtulungan sa mga mambabatas sa anomang imbestigasyon bilang tulong sa batas.

Matatandaang natunton ng mga awtoridad ang underground tunnel at indoor firing range sa umano’y magarbong POGO exclusive leisure resort sa Barangay Señora, Porac, Pampanga kamakailan. (BERNARD TAGUINOD/ELOISA SILVERIO)

145

Related posts

Leave a Comment