PALUSOT

DPA ni BERNARD TAGUINOD

NAGING tanyag ang salitang palusot noong panahon ng impeachment trial ni dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona at hihiramin ko ito para ilarawan ang katuwiran ng ilang kaalyado ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kung bakit lugmok pa rin sa kahirapan ang bansa.

Sa isang statement kasi ng chairman ng House Committee on Ways and Means na si Albay Rep. Joey Salceda, hindi lang ang Pilipinas ang may problema sa inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin lalo na sa pagkain, kundi ang buong mundo.

Ika nga ni Salceda, ang komite ay naatasang maghanap ng karagdagang pondo, may krisis sa cost of living sa buong mundo dahil sa hindi mapigilang pagtaas ng presyo ng mga bilihin kaya tumaas ang bilang ng mga tao na nagugutom.

Parang gustong palabasin ni Salceda na hindi lang tayo sa Pilipinas ang nakararanas ng gutom kaya huwag nating sisihin ang kanilang pangulo kung hindi nito maawat ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Isa pa, kumpara raw sa China, mas mataas ang 5.7 Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas kaysa ikalawang economic giant ng mundo. Parang sinasabi sa atin na huwag na tayong magreklamo dahil ang China nga ay bumagal ang paglago ng ekonomiya.

Palusot ito dahil kumpara sa China, ang liit ng Pilipinas. Kahit mabagal ang pag-unlad ng ekonomiya nila hindi nangangahulugan na mas mayaman tayo sa kanila. Parang pagkukumpara ito sa kuting at elepante.

Ipinalalabas din na maswerte tayo dahil 4.1 percent lang ang unemployment sa ating bansa gayung ang taas daw ng interest rates ngayon. Parang sinasabi sa atin na suwerte tayo na mahigit 2 million lang ang walang trabaho dahil kahit tumaas ang interest sa inuutang ng mga negosyante sa mga bangko, ay 2 million ang ang nganga.

Sa usapin ng bigas, makasisiguro na raw ng sapat na supply ang Pilipinas dahil sa kasunduang pinasok ni Marcos Jr. sa India na magsusuplay ng pangunahing pagkain ng mga Pilipino, ang bansang ito.

Ha? Bakit ang India, Vietnam at Thailand ang inaasahang nating magsu-supply ng bigas sa ating eh agricultural country tayo? Ibig bang sabihin nito pababayaan na lang nila ang palay industry dahil may magsu-supply naman ng bigas sa atin?

Mismong ang mga magsasaka na ang nagsasabi na kayang maging self-sufficient ang Pilipinas pagdating sa bigas basta tulungan lang sila ng gobyerno tulad ng pagtulong na ginagawa ng Vietnam at Thailand sa kanilang mga magsasaka.

Kung tutuusin, humigit kumulang lang sa 3 million metric tons ang kulang sa supply ng bigas sa ating bansa pero kaya itong i-produce ng mga magsasaka kung matitiyak na hindi mawawalan ng tubig ang lahat ng irrigation sa buong bansa, i-subsidize ang abono at binhi ng lahat ng magsasaka at hindi lang ‘yung mga miyembro ng mga kooperatiba.

Kaso mukhang may ayaw na maging self-sufficient ang Pinas sa bigas dahil kung mangyayari ‘yan, paktay ang negosyo ng rice importers, paktay ang negosyo ng mga nagsu-supply ng abono, paktay ang smugglers at price manipulators ng bigas. ‘Di ba?

146

Related posts

Leave a Comment