MAITUTURING pa rin na “generally peaceful” ang idinaos na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa kabila ng mga insidente ng karahasan na naitala sa ilang bahagi ng bansa, ayon sa Commission on Elections (COMELEC).
Sa pagsasara ng botohan dakong alas-3:00 ng hapon, idineklara ni Commission on Elections Chairman George Erwin Garcia na maituturing ang 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan (SK) elections bilang “generally peaceful and orderly” sa likod ng naitalang limang namatay sa mismong araw ng eleksyon.
Maging ang Armed Forces of the Philippines ay nagsabing naging payapa naman sa kabuuan ang idinaos na botohan noong Lunes
Ayon sa pamunuan ng AFP Eastern Mindanao Command, “There have been no untoward incidents to report and the declaration of the BSKE in the EMC area as peaceful and orderly is a resounding achievement.”
“The Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023 in Eastern Mindanao concluded as a remarkable testament to unity and peace. As of 6pm on 30 October 2023, all polling precincts in the EMC Joint Operational Area, covering Regions 10, 11, some parts of 12 and 13 area, have been officially declared closed, with the canvassing process well underway,” ayon pa sa AFP EASTMINCOM.
Base sa naitalang mga insidente ng karahasan sa mismong araw ng eleksyon, binaril at napatay ni Jamail Mangaybao, kandidatong barangay chairman, ang nakababata nitong kapatid na si Madid Mangaybao na tumakbo rin bilang barangay captain ng Brgy. Poktan sa bayan ng Butig, Lanao del Sur.
Isang oras bago magbukas ang halalan, may dalawang tao na kinilalang sina Juhaimin Ube, at alyas “Mistake,” ang pinagbabaril habang sugatan naman ang apat na iba pa na kinilalang sina Mohalidin Solaiman, Jerik Alon, Nasrudin Salik, at Harong Tating sa pamamaril sa Barangay Bugawas, sa Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Norte.
Kinumpirma ni Bangsamoro Police Regional Director BGen. Allan Nobleza na binaril ang mga biktima habang papunta sila sa kanilang polling precincts.
Bago tuluyang nagsara ang botohan, may dalawang iniulat na namatay habang isa pa ang sugatan nang barilin ng isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) sa Lamitan City, Basilan.
Kinilala ng pulisya ang mga biktimang sina Barangay Chairman Jemson Cervantes na malubhang nasugatan habang dead on the spot naman si Kagawad Nadjuwal Antataha.
Napatay rin ni Cervantes ang namaril na CAFGU na si Emiliano Enriquez sa bahay ni Antataha, na nasa labas lamang ng presinto.
Kaugnay nito, sinasabing umakyat na sa 35 ang naitalang validated election-related incidents ng Philippine National Police (PNP).
Ang nasabing bilang ay mula sa 237 recorded incidents ng PNP hanggang Oktubre 31, 2023.
Pinakamarami rito ang shooting incident na pumalo sa 17, dalawang kidnapping, dalawang light threats at dalawang harassment.
Kabilang din sa naitala ang tig-iisang kaso ng grave threats, robbery with intimidation, indiscriminate firing, armed encounter, alarm & scandal, vote buying and selling, physical injury at paglabag sa gun ban.
Naitala ang mga ito sa Regions 1, 4A, 5, 7, 8, 9, 10, BAR, COR at NCRPO. Nakapagtala naman ang PNP ng 103 suspected ERI at 99 non ERI.
Samantala, lumobo pa sa 2,032 ang naarestong gun ban violators, 1,540 ang nakumpiskang baril, 2,357 ang idineposito para sa safekeeping at 1,701 armas naman ang isinuko sa mga awtoridad.
(JESSE KABEL RUIZ)
628