BUCOR ATRAS SA PLANONG PAGTATAYO NG HQ SA MASUNGI

IPINAGPALIBAN ng Bureau of Corrections ang planong pagtatayo ng kanilang headquarters sa bahagi ng Masungi Georeserve sa lalawigan ng Rizal.

Sa pagdinig ng Senate committee on tourism, kinumpirma ni Bucor Acting Director General Gregorio Catapang Jr. na ang kanilang desisyon ay habang hinihintay pa nila ang resulta ng pag-aaral sa posibleng epekto sa kapaligiran ng plano nilang pagtatayo ng pasilidad sa lugar.

Inihayag ni Catapang na dalawang linggo pa lamang ang nakalilipas nang malaman niyang mayroong lupa ang BuCor sa lugar batay sa itinatadhana ng Presidential Proclamation 1158.

Idinagdag ng opisyal na ipagpapaliban nila ang anomang plano sa loob ng anim na buwan hanggang isang taon at dedepende sa kanilang ginagawang pag-aaral ang susunod na hakbang.

Nais din anya nilang makausap ang mga urban at environmental planner upang makipagtulungan kung paano mapapangalagaan ang ecosystem sa lugar.

Nangako si Catapang na kapag lumabas sa pag-aaral na makakasira lamang ang itatayo nilang pasilidad sa Masungi ay hindi na nila itutuloy ang plano.

Samantala, nilinaw ng chairman ng komite na si Senador Nancy Binay na hindi pagtuturuan ang intensyon ng kanilang pagdinig at sa halip ay nais nilang makita ang kabuuan ng plano at agad na masolusyunan ang anomang problema.

Sa Marso 27 naman ay magsasagawa ng ocular inspection ang komite sa Masungi Georeserve bilang bahagi ng kanilang pagtalakay sa isyu. (DANG SAMSON-GARCIA)

246

Related posts

Leave a Comment