BUKAS ang mababang kapulungan ng Kongreso na pag-usapan ang pag-amyenda sa 1987 Constitution subalit prayoridad ng mga ito sa unang limang buwan ng 19th Congress ang 2023 national budget o unang pambansang pondo ng Marcos administration.
Ginawa ni incoming House Speaker Martin Romualdez ang pahayag sa ambush interview matapos ang graduation ceremony ng mga neophyte congressman na sumailalim sa orientation seminar.
“It’s (Charter change) not a priority program of the President (Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.) in his campaign but a.. the door (ng Congress) is open to that. We’re open to that discussion,” ani Romualdez.
Sa ngayon ay may isang panukalang batas na ang naihain sa Kamara para amyendahan ang 1987 constitution partikular na ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 1 na inakda ni Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr.
Layon ng nasabing panukala na palawigin ang termino ng lahat ng mga halal na opisyal ng bayan mula sa Pangulo hanggang sa pinakamababang pwesto maliban sa mga senador at barangay officials.
Hindi pa naghahain ng panukala si Leyte Rep. Richard Gomez subalit sinabi na nito na nais niyang amyendahan ang economic provisions ng Saligang Batas para payagan ang mga dayuhang negosyante na magkaroon ng 100% ownership sa mga negosyong papasukin sa bansa.
Pero bago ito, ayon kay Romualdez, uunahin ipasa ang 2023 national budget upang malagdaan ni Marcos bago matapos ang taong kasalukuyan.
“Of course the most important is the 2023 budget which we will pass, definitely well, within the third quarter, or the last quarter rather, and the President will have sufficient time to sign it into law before the year ends,” ani Romualdez.
Pormal na magsisimula ang 19th Congress sa Hulyo 25, kasabay ng unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos at inaasahan na isusumite ang proposed budget sa huling linggo ng Agosto. (BERNARD TAGUINOD)
381 