INAPRUBAHAN sa mababang kapulungan ng Kongreso sa ikalawang pagbasa ang House Bill 7575 na naglalayong itatag ang Bulacan Airport City Special Economic Zone and Freeport, na inakda ni Committee on Economic Affairs Chairperson Rep. Sharon Garin (Party-list, AAMBIS-OWA).
Ayon kay Garin, ang Bulacan Economic Zone and Freeport na katabi lamang ng Bulacan Airport project ay inaasahang makalilikha ng kabuhayan at magpapaunlad sa ekonomiya, lalo na sa mamamayan ng Bulacan.
Inaprubahan din ng Kamara ang HB 7068 o ang panukalang “Tax Amnesty Act” na pangunahing inakda nina Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez at Albay Rep. Joey Salceda.
Ang panukala ay mag-aamyenda sa Section 6 ng Republic Act 11213 na naglalayong palawigin ang panahon ng pagkakamit ng amnestiya sa estate tax mula dalawa hanggang apat na taon.
Tutulungan din ng panukalang ito na makaahon ang mga Pilipino sa epekto ng pandemya. Ang sesyon na ginanap noong Miyerkoles sa Kamara ay pinangunahan ni Deputy Speaker Roberto Puno. (CESAR BARQUILLA)
146 