ITINAAS sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon dahil sa patuloy na pag-aalboroto, ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Martes, Enero 6, 2026.
Ayon sa Phivolcs, 85 rockfall o pagguho ng bato mula sa tuktok ng bulkan ang naitala mula madaling-araw ng Lunes hanggang alas-12 ng madaling-araw ng Martes.
Bukod dito, iniulat din ng ahensya na bahagyang natatakpan ng ulap ang bulkan at may senyales ng pamamaga, indikasyon ng patuloy na paggalaw ng magma sa ilalim nito.
Dahil dito, mariing ipinaalala ng Phivolcs ang mahigpit na pagbabawal sa pagpasok sa loob ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) at ang pag-iingat sa Extended Danger Zone (EDZ) sa paligid ng bulkan.
Ipinagbabawal din ang pagpapalipad ng anomang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng Bulkang Mayon dahil sa banta ng biglaang pagputok at posibleng karagdagang pagguho ng bato mula sa tuktok nito.
Nagbabala rin ang Phivolcs sa posibleng pag-agos ng lahar sakaling magkaroon ng malalakas na pag-ulan sa lugar.
(PAOLO SANTOS)
29
