PUNA ni JOEL O. AMONGO
HINDI lang ang impeachment kay Vice President Inday Sara Duterte ang aabangan ng mga Pilipino kundi pati ang kay Pangulong Junjun Marcos din.
Ayon kay political analyst Lito Banayo, posibleng may magsampa rin ng impeachment laban kay PBBM ngayong 2026 dahil sa mga isyu ng korupsyon partikular sa mainit na usapin ng maanomalyang flood control projects.
Nariyan din ang isyu sa pondo ng PhilHealth na inalis nila at inilipat sa National Treasury na pinaniniwalaan ginamit din bilang pondo sa flood control projects.
Posible ring masama sa reklamong impeachment laban kay BBM ang pagpirma niya sa tinaguriang pinakakorap na 2025 national budget.
At ang pagsisiwalat ni Sen. Imee Marcos na gumagamit ng bawal na gamot (cocaine) si Junjun Marcos.
Ang mga isyung ito ay naglalagay sa Pangulo sa sitwasyong mawawalan ng tiwala sa kanya ng taumbayan.
Hindi ordinaryong isyu ang korupsyon, ito ay maituturing ding banta sa seguridad ng bansa.
Dahil sa korupsyon na nangyari na nagsimula noong 2023, 2024 at 2025, nalagay sa panganib ang buhay ng mamamayan.
Sa katunayan maraming buhay, ari-arian at imprastraktura ang nawala dahil sa mga pagbaha dulot ng mga kalamidad sa iba’t ibang panig ng bansa.
Hindi sana ganoon karami ang apektado ng mga pagbaha kung hindi kinorakot ang trilyong pisong pondo ng DPWH na nakalaan sa flood control projects.
Ang nakagagalit pa, na mismong mga mambabatas, gov’t officials at kontratista ang nagsabwatan para maisakatuparan nila ang pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Sa kabila ng mga pagnanakaw sa kaban ng bayan ay wala sa malalaking isda ang naparurusahan o nakukulong na ipinangako noon ni Junjun Marcos na may magpa-Pasko sa kulungan.
Nakalipas na ang Pasko at ngayon January 8, 2026 na ay wala pa ring nakukulong sa mga binanggit ni PBBM.
Kaya lumalabas na ang sinabi ng Pangulong BBM ay isa lamang papogi para sabihin na may ginagawa siya.
Mas inuna pa nilang kasuhan si ret. Philippine Air Force chief General Romeo Poquiz na bumabatikos sa administrasyon, samantala ang mga nagnakaw sa pondo ng bayan ay nakapag-Pasko pa sa kani-kanilang pamilya. ‘Di patas ito!
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.
107 