GEN Z ni LEA BAJASAN
DATI, simple lang ang panonood ng sine para sa akin. Maliit na gantimpala pagkatapos ng mahabang linggo. Pipila ka, papasok sa malamig na sinehan, at sandaling makalilimot sa ingay ng labas. Dalawang oras na pare-pareho ang tingin ng lahat sa iisang kuwento. Hindi nawala ang ganitong ritwal dahil nagsawa ang mga tao. Unti-unti
itong nawala dahil naging mahal.
Pagkatapos ng lockdown, tumaas ang presyo ng tiket. Noon, may malinaw na dahilan. Limitado ang upuan dahil sa social distancing. Kaunti lang ang pwedeng pumasok, kaya kailangang bumawi ang mga sinehan. Naiintindihan iyon ng marami. Ang hindi maintindihan ay kung bakit nanatiling mataas ang presyo kahit bumalik na ang halos buong kapasidad.
Ang pansamantalang solusyon, tila naging permanenteng patakaran. Dito nagsimulang magbago ang ugali ng manonood. Ngayon, bago ka pa man maupo sa loob ng sinehan, ramdam mo na ang gastos. Hindi lang tiket ang binabayaran. May kasamang popcorn, inumin, at pamasahe pauwi.
Hindi ito tungkol sa pagiging kuripot. Usapin ito ng budget. Kapag ang halaga ng isang sine ay katumbas na ng ilang buwang subscription sa streaming, natural lang na magtanong ang mga tao kung sulit pa ba?
Para sa mga pamilya, mas mabigat ang tanong na iyon. Hindi isang tiket ang binibili ng magulang, kundi apat o lima. Ang dating simpleng bonding tuwing weekend ay kailangang ipagpaliban o palitan.
Sa huli, mas pinipili ang pananatili sa bahay. Mas mura. Mas kontrolado. Mas tahimik. Ganito rin ang karanasan ng mga estudyante. Hindi naman nagbago ang allowance nila.
Ang nagbago, ang presyo ng sine. Ang paghihintay sa online release ay hindi kawalan ng interes. Praktikal lang. Kapag mahal ang sine, natututo ang kabataan na hindi ito kailangang unahin, kahit gusto nila. Sa bahay, may upuan na. Mas mura ang pagkain. May pahinga ka pa kapag gusto mo.
Kaya naging normal ang linyang “Hintayin ko na lang online.” Sa mas tahimik na usapan, may nagsasabing “Ida-download ko na lang.” Hindi sermon ang sagot sa ganitong isipin.
Ang ugat nito ay simple. Mas mahal ang sine kaysa alternatibo. Mas malinaw ang problema kapag tiningnan ang pagkakaiba ng presyo. Sa probinsya, kaya pang manood ng sine nang hindi masakit sa bulsa. Parehong pelikula, parehong haba, parehong kuwento. Pero rito sa Maynila, halos doble ang presyo.
Hindi dapat ganoon kalaki ang agwat. Ang pelikula ay dapat pareho pa rin, nasaan ka man. Madalas magtaka ang mga sinehan kung bakit lumiit ang audience. Bakit hirap ang lokal na pelikula. Bakit tila humina ang sigla ng MMFF.
Tuwing Disyembre, ramdam ang katahimikan. Maliwanag pa rin ang mall, pero hindi na puno ang mga sinehan tulad ng dati. Madaling sisihin ang panlasa ng manonood. Madaling ituro ang streaming.
Pero sapat na sigurong tumayo malapit sa ticket booth at manood. May mga taong titigil, titingin sa presyo, magbubulungan, at aalis. Sa eksenang iyon, malinaw ang sagot.
Huwag sisihin ang publiko kung mas pinipili nila ang mas murang opsyon. Kapag ang panonood ng sine ay nakadepende na sa laki ng pera, tumitigil itong maging karanasan para sa lahat.
May magagawa pa sana. Mas murang tiket para sa lokal na pelikula.
Suporta para bumaba ang presyo. Hindi ito limos. Isa itong paraan para manatiling buhay ang sine bilang bahagi ng pang-araw-araw na kultura.
Dahil kapag kaunti na ang nanonood, kaunti na rin ang nag-uusap. At kapag tahimik na ang usapan, may mga kuwentong hindi na umaabot sa marami.
81 