NAGLABAS ng mahinang usok ang Bulkang Taal, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology nitong Linggo.
Sa inilabas na bulletin nitong Abril 11 ng PHIVOLCS, umabot sa 5 metro ang taas ng pagbuga nito.
Nakapagtala ng 216 volcanic earthquakes, 177 tremors na tumatagal ng 32 minuto.
Nagkaroon ng ground deformation sa paligid nito o pamamaga ng lupa na indikasyon ng pagkakaroon ng aktibidades ng magma sa ilalim ng bulkan.
Mahigpit na pinagbabawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island sa Permanent Danger Zone (PDZ) lalo na ang paligid ng main crater at Daang Kastila fissure. Maging ang pamamangka ay mahigpit na ipinagbabawal.
Pinayuhan din ang mga piloto na umiwas sa paglipad malapit sa bulkan dahil sa abo at ilang mga bagay na inilalabas ng bulkan at maaaring maging delikado sa kanilang eroplano.
Gayunman, maigting na pinaghahanda ng lokal na pamahalaan ang evacuation centers sa mga barangay sa paligid ng Taal Lake kung sakaling sumabog ang bulkan.
Sa ngayon, nananatili pa rin sa alert level 2 status ang Bulkang Taal. (CYRILL QUILO)
