GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN
ISANG marahas na insidente ng pambu-bully sa loob ng Quinarayan Elementary School sa Narvacan ang umani ng matinding reaksiyon matapos kumalat online ang video ng pananakit.
Sa footage, makikita ang isang babaeng mag-aaral na itinulak, hinampas ng bag, sinipa, at paulit-ulit na sinuntok sa ulo habang oras ng tanghalian, hanggang sa tuluyan siyang umiyak.
Naganap ang insidente sa loob mismo ng silid-aralan. May iba pang mga mag-aaral sa paligid habang nangyayari ang pananakit. May nanonood lamang. May nagre-record gamit ang cellphone. Kapansin-pansin na walang gurong makikita sa video habang nagaganap ang insidente.
Ang mga detalyeng ito ay malinaw na makikita sa footage at kinumpirma rin sa mga ulat ng balita. Ayon sa pamunuan ng paaralan, iniimbestigahan na ang pangyayari. Nakialam din ang mga awtoridad matapos mag-viral ang video at umani ng galit mula sa publiko.
Para sa akin, hindi lang ang karahasan ang nakababahala kundi ang mismong lugar kung saan ito nangyari. Ang silid-aralan ay dapat ligtas na espasyo. Dito hinuhubog ang asal at pagkatao ng mga bata. Ngunit sa pagkakataong ito, naging saksi ito sa takot at pananakit.
Hindi rin ito isang biglaang tulakan lamang. Sunod-sunod ang mga hampas at suntok.
Sinubukan ng biktima na takpan ang sarili, ngunit hindi siya nakaligtas sa pananakit. Sa huli, napaiyak siya. Ang sandaling iyon ang pinakamahirap panoorin dahil malinaw ang kawalan niya ng kakayahang ipagtanggol ang sarili.
Hindi maiiwasang mapansin ang papel ng mga nakasaksi. Sa halip na umawat, may mga mag-aaral na piniling mag-video. Maaaring natakot sila. Maaaring hindi nila alam ang gagawin. Ngunit ipinakikita nito kung gaano kadaling manahimik kapag hindi malinaw ang pananagutan.
Mga menor de edad ang sangkot sa insidenteng ito, at mahalagang tandaan iyon. Bata pa sila at patuloy na hinuhubog ang kanilang pag-iisip at asal. Dahil dito, mas nagiging mahalaga ang presensiya ng mga nakatatanda. Ang pagbabantay sa oras ng pahinga ay hindi dapat isantabi. Gayundin, ang mga patakaran laban sa bullying ay dapat umiiral hindi lang sa papel kundi sa aktuwal na gawain.
Tama lamang na may imbestigasyon at may pananagutan. Ngunit hindi sapat ang parusa kung walang kasabay na pagtuturo at paggabay. Kailangan ng malinaw na paraan ng pag-uulat, mabilis na aksyon, at kulturang inuuna ang kaligtasan ng mga mag-aaral.
Ang insidenteng ito ay hindi lang basta viral na video. Isa itong malinaw na paalala na ang pambu-bully ay totoo at patuloy na nangyayari sa totoong buhay. Nangyayari ito sa mga lugar na dapat ay ligtas. At kung kikilos lang tayo kapag may kamera na, palagi tayong mahuhuli para sa mga batang nasaktan.
62 