PUNA ni JOEL O. AMONGO
SA halip na makatulong ay magiging “Kiss of Death” pa sa isang kandidato ang basbas o endorsement ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa darating na 2028 presidential election.
Matatandaan natin na noong 2024 State of the Nation Address (SONA) ni BBM ay ipinagmalaki niya na mayroong 5,500 flood control projects na natapos na at may mga ginagawa pa ang kanyang administrasyon.
Kalikasan na mismo ang nagbulgar na hindi totoo ang sinabi ni BBM sa pamamagitan ng mga kalamidad na tumama sa bansa. Binaha ang Metro Manila; Region 3; Region 4A, 4B; Region 5 at maraming iba pang lugar.
Hinanap ng mga Pilipino ang 5,500 flood control projects na ipinagmalaki ni BBM, subalit wala siyang maipakita, dahil dito siya na mismo ang nagsagawa ng inspeksyon sa iba’t ibang lugar kabilang na ang Bulacan (Region 3), Baguio City at iba pa.
Bukod sa nakitang substandard na mga proyekto sa flood control ay marami rin ang mga “ghost” o tinawang niyang “guni-guni”.
Sa kanyang SONA noong 2025 ay sinabi niya “MAHIYA NAMAN KAYO!” Ang pahayag na ‘yan ay narinig mismo ng mga sangkot sa korupsyon na mga kongresista at mga senador na dumalo sa kanyang SONA.
Pumalakpak ang mga ito sa sinabi ni BBM, na hindi natin maintindihan kung natuwa sila o nag-alala na mapapanagot sila sa kanilang mga ginawang pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Gumawa ng “Isumbong mo sa Pangulo” Website ang administrasyon para roon daw iparating ng publiko ang kanilang nalalaman hinggil sa korupsyon.
Hindi inasahan ni BBM na darami ang mga reklamo at siya pa mismo ang ituturong mastermind ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co at ng pinakabagong lumutang na 18 dating mga sundalo.
Binuo niya ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) na tila papogi lang ang ginawa para sa administrasyon.
Nagsagawa nga ng imbestigasyon pero pinipili lang ang kanilang iniimbestigahan na kapag nalalapit na sa pintuan ng Palasyo ng Malakanyang ang imbestigasyon, ay tila nahihinto ito.
Isa-isang nag-alisan ang mga miyembro ng ICI hanggang ang natira na lamang ay ang mismong chairman na si dating Supreme Court Justice Andres Reyes.
Sa halip na makatulong na malutas ang nakawan sa kaban ng bayan ang “Isumbong mo sa Pangulo” Website at “ICI”, ito pa ang naging mga instrumento sa pagtatakip sa malalaking pangalan sa pulitika na nadadawit sa katiwalian.
Ganun din ang kinahihinatnan ngayon ng Blue Ribbon Committee sa Senado, sa pamumuno ni Senator Panfilo Lacson.
Kamakailan, pinuna ng tagapagsalita ng Iglesia ni Cristo (INC) na si Edwil Zabala, na tila pinagtatakpan ng kasalukuyang administrasyon ang mga nasasangkot sa korupsyon.
Partikular na binanggit ni Zabala na walang malinaw na resulta ang isinasagawang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee.
Ayon kay Zabala, naiinip ang milyun-milyong Pilipino kasama na ang mga miyembro ng INC, na hanggang ngayon ay walang napapanagot sa malalaking isda na sangkot sa korupsyon sa ilalim ng administrasyon ni Marcos, Jr.
Kung walang mapapanagot ngayon, sa 2028 presidential election ang lahat ng mga nasasangkot sa pagnanakaw sa kaban ng bayan, na tatakbo at maging ang iiendorso ni BBM na kandidato, ay hindi makakaasa ng boto mula sa taumbayan, kaya posibleng ang endorsement ni BBM sa kanyang mamanukin sa 2028 presidential election ay magiging “Kiss of Death.”
Bukod dito, hindi rin lingid sa kaalaman ng mga politiko na kapag bumoto ang mga miyembro ng INC ay “block voting.”
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.
114 