BUNDAT NA SA CITY HALL, MAY TABO PA SA KAMARA

SA loob ng mahabang panahon, hinawakan – at pinanindigan ng isang lungsod sa bandang timog ng Metro Manila ang titulong “Sin City.” Dangan naman kasi, pugad ng iligal na ­pasugalan, kalakalan ng droga at bentahan ng laman ang maruming siyudad.

Pati sa larangan ng katiwalian, ayaw magpaiwan ang ungas na minsang nagpakilalang kamag-anak ni dating Finance Secretary Jose Pardo.

Patunay nito ang ­pangungunsinti (o baka naman sadyang inatasan) ni Mayor ang kanyang chief-of-staff (COS) sa mga diskarteng pilipit sa lungsod na pinamumunuan. Mga nagkalat na gay bar, kabi-kabilang iligal na pasugalan, mga putahan, ille­gal terminals – ilan lang ‘yan sa pinaghuhugutan ng lingguhang ganansya.

Ang masaklap, tila hindi pa sapat ang bonggang ganansya kay chief-of-staff na may 2% na SOP sa mga kontratang kailangan ng lagda ng among alkalde. Bukod pa ‘yun sa 10% na komisyon para kay mayor, 2% kay ­treasurer at 1% sa iba pang signatoryo ng mga dokumentong kailangan para ­makasingil sa ginawang proyekto.

Heto pa – bukod sa nakakalulang sahod ng chief-of-staff sa city hall, aba may buwanang sweldo rin pala sa Kongreso! Bawal ‘yan, ayon mismo sa Republic Act 2260 (Dual Compensation Act) – “No officer or ­employee in the Civil Service shall receive ­additional or double ­compensation unless ­specifically authorized by law.”

Pero teka, gaano kahalaga nga ba ang naturang chief-of-staff para bigyan ng ganung pagpapahalaga ni mayor?

Ang totoo, malaking bentahe sa paggagawad ng tiwala ang mahabang panahong pinagsamahan. Ito mismo marahil ang dahilan kung bakit bagyo ang dating ni chief-of-staff sa kanyang amo. Kasi nga naman, sa Kamara pa lang (dating Kinatawan si mayor), kasama na siya ng kanyang amo.

Nang manalong mayor, binitbit sa city hall. Normal lang naman sa isang mayor magtalaga ng mga taong pinagkakatiwalaan.

Tiwala ba kamo? Oo naman. Si chief-of-staff kasi ang nagsasabi kung anong make-up ang babagay sa kanyang among alkalde. Pati damit na isusuot ni mayor, siya ang dumidiskarte.

Tama, isang bakla si chief-of-staff na bukod sa make-up at OOTD (outfit of the day) ni mayor ay punong-abala sa likod ng mga intriga laban sa mga taong hindi niya ­kursunada – o baka naman binasted lang siya, kaya pati ‘yung sahod ng isang ­consultant ni mayor sinabotahe pa niya.

(Si Fernan Angeles ay ­editor-at-large ng SAKSI Ngayon)

179

Related posts

Leave a Comment