BUREAU OF CUSTOMS BA?

PRO HAC VICE

Nakaiinis isipin na kapag mga pagkain at iba pang may kaugnayan sa pangangailangan ng publiko ay mulat ang Bureau of Customs at nakikita nila ang mga ito na smuggled goods. Kaagad silang nakapagsasampa ng kaso sa mga umano’y smuggler, eh bakit kapag ilegal na droga ang dumarating sa Manila International Container Port (MICP) ay nakalulusot ang mga ito nang ‘di nila alam?

Ang sinasabi ko po ay ‘yung buong pagmamalaki ng ahensya sa pangunguna ni Customs Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero na kinasuhan nila ng kriminal sa DOJ ang Amulet Supply Chain Corporation. Ito ay dahil sa pagpupuslit ng asukal at sigarilyo na kasama naman sa kanilang inireklamo ang incorporator/president nito na si Evelio R. Gelleposo at ang Custom’s broker, Gary Villa ng paglabag sa Sections 1400, 1401, 117, at 1430 ng Republic Act No. 10863, o mas kilala sa tawag na Customs Modernization and Tariff Act.

Pero ‘yung shipment na may lamang droga na nagkakahalagang P1.8 bilyon ay nakalabas ng MICP nang ‘di nila namalayan kung hindi pa sa sipag ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino ay ‘di pa nalaman na mayroon palang ganoong kalaking halaga ng droga na nakapuslit sa MICP.

Pinangunahan din ni PDEA Director Aquino ang pagsasampa ng kasong kri­minal sa Department of Justice (DOJ) laban kay Xu Zhijian alyas Jacky Co kasama ang lahat ng mga sangkot sa pagpaparating dito sa ating bansa ng ilegal na droga na tinatayang aabot sa may 276-kilo.

Sana lang huwag nang hintayin pa ng Bureau of Customs na maunahan pa sila ng PDEA at iba pang ahensya.

oOo

DOJ, may nabuo nang panel ng mga piskalya na tututok sa kaso ng Kabus Padatoon o KAPA Community Ministry International, Inc.

Ang panel of prosecutors na binuo ay kasunod na rin ng ipinalabas na lookout bulletin ng DOJ para sa immigration upang bantayan ang posib­leng paglabas ng bansa ng may walong incorporators, at walong opisyal ng KAPA Community Ministry, kasama na ang tatlong opisyal ng Alabel-Maasim Credit Cooperative.

Ano ba ‘yan hanggang ngayon wala pa ring lumulutang na complainant laban sa KAPA maliban na lamang sa mga opisyal ng Securities and Exchange Commission (SEC) na nagsampa ng reklamo sa DOJ laban sa pamunuan ng KAPA Community Ministry International Inc. (Pro Hac Vice / BERT MOZO)

251

Related posts

Leave a Comment