Bureau of Customs CIENTO VEINTE Ni ANGEL F. JOSE

SA loob ng mahabang panahon, naging sandigan ng ekonomiya ng bansa ang Bureau of Customs (BOC) na ang tanging mandato ay pangasiwaan ang kalakalan ng Pilipinas sa iba pang bansa sa mundo.

Katunayan, higit pa sa karaniwang kawanihan ang ambag ng ahensyang higit na kilala bilang isa sa pangunahing pinaghuhugutan ng pondong ginagamit ng gobyerno para matustusan ang mga makabuluhang programa at kapaki-pakinabang na mga proyekto.

Sa datos ng Department of Finance (DOF), lumalabas na tanging ang BOC ang tagumpay na nakaabot ng itinakdang target na kita sa mga ahensyang naatasang lumikom ng pondong higit na kailangan noong kasagsagan ng pandemya.

LABIS PA SA TARGET
Sa kalatas ng DOF, nakalikom ang BOC ng P645.77 bilyon nitong nakaraang taon – 4.7% na mas mataas kumpara sa target na P616.75 bilyong itinakda ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) para sa taong 2021.
“By sticking to our priorities and focusing on our mandates, we achieved milestones in revenue collection, operational upgrades, and customer service. Through opening channels of communication and interaction, we sustained the tempo of our work and provided services for our various stakeholders to keep businesses moving,” sambit ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero sa isang mensahe kasabay ng ika-120 anibersaryo ng pinamumunuang ahensya ng gobyerno.
Giit ni Guerrero, malaking bentahe sa kanilang positibong revenue collection ang mga ipinatutupad na reporma, bukod pa sa pagtutok ng valuation ng mga pumapasok at lumalabas na kargamento, pinaigting na kampanya kontra smuggling ng mga sindikato, mahigpit na pagpapatupad ng mga reglamento, kastigo sa mga tiwaling opisyal at kawani ng BOC at modernisasyong angkop sa makabagong panahon.

PATUNAY NG HUSAY
Sa ilalim din ng pamumuno ni Guerrero nasungkit ng iba’t ibang district collection offices ng BOC ang iba’t ibang antas ng ISO Certification na aniya’y patunay at pamantayan ng mahusay na serbisyo ng ahensyang dating kilala lang sa katiwalian.
“The foundation laid by the BOC in the past years makes the prospect of transformation not only a possibility but a natural outcome of efforts which are all to our utmost priority of serving the public with professionalism, integrity, and accountability,” dagdag pa niya.
Gayunpaman, hindi rin aniya dapat kalimutan ang mahalagang papel na ginagampanan ng kanilang mga empleyadong nagpamalas
ng husay, sigasig, dedikasyon at katapatan sa sinumpaang tungkulin ng isang lingkod-bayan sa gobyerno.
“While the challenges we face may be tough and uphill, we recognize the significance of investing both time and resources to improve our services, regain our credibility, and accomplish our mission,” hirit pa ng retiradong heneral na minsang nagsilbing Chief-of-Staff ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas.

HANGGANG SA HULI
Hanggang sa mga nalalabing buwan ng termino ng pamunuan ng BOC, patuloy ang pagpapakitang-gilas makaraang magtala muli ng higit pa sa itinakdang target ang 14 sa 17 district collection offices ng BOC, na magkatuwang na lumikom ng P58.158 bilyon sa unang buwan pa lamang ng kasalukuyang taon.

Kabilang sa mga binigyang pagkilala ang mga tanggapan ng BOC sa mga Port of San Fernando, Port of Manila (POM), Manila International Container Port (MICP), Batangas, Legaspi, Iloilo, Cebu, Surigao, Zamboanga, Davao, Subic, Clark, Aparri, at Limay.

Sa nakalipas na dalawang taon, nanatili ang determinasyon at sigasig ng mga kawaning
dahilan aniya ng tagumpay ng nasabing ahensya, kaya naman napagpasyahan ng pamunuan ng BOC na bigyan ng hindi kalakihang pabuya, bukod pa sa pagkilala ang tinagurian niyang gulugod ng kawanihan.

Sa panahon ng pandemya rin aniya higit na lumutang ang husay, sigasig at dedikasyon ng mga kawaning nangasiwa sa mabilis na proseso ng mga dumarating na kargamentong nagla­laman ng medical supplies tulad ng bakuna, testing kits, hiringgilya, personal protective equipment (PPE) at iba pa.

SA GITNA NG PANDEMYA

Sa tala ng BOC mula Marso hanggang sa pagtatapos ng 2021, pumalo na sa 16,102 kargamentong naglalaman ng mga PPE at iba pang medical supplies ang kagyat na naproseso at walang aberyang nailabas patungo sa iba’t ibang lalawigan sa 17 rehiyon ng bansa.

Gayundin ang bilis sa proseso ng 300 kargamentong naglalaman ng 210,448 milyong doses
ng bakuna kontra COVID-19.

Ang sikreto – ang maagap na pakikipag-ugnayan ng BOC sa Department of Health (DOH) na inatasang bigyan ng kagyat na lunas ang nakamamatay na karamdaman, sa Inter-Agency Task-Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), sa National Task Force Against COVID-19, at sa mga counterpart agencies ng mga bansa kung saan nagmula ang mga kargamentong naglalaman ng mga bakuna at iba pang medical supplies na kailangan ng pamahalaan sa pagtugon kontra sa pandemya.

OPS KONTRA DROGA

Katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at PNP Drug Enforcement Group (PDEG), silat sa BOC ang nasa P230.26 milyong halaga ng droga mula Enero hanggang Disyembre ng nakaraang taon.

Mula Hulyo 2016 hanggang sa pagtatapos ng 2021, may kabuuang halagang P15.376 bilyon ng iba’t ibang klase ng ipinagbabawal na gamot ang nasamsam ng ahensya mula sa mga sindikatong patuloy na nagtatangkang magpuslit ng droga sa bansa gamit ang mga pasilidad ng BOC.

Kabilang sa mga drogang nasabat ng kawanihan ay yaong mga party drugs na higit na kilala
bilang ecstasy na inangkat pa mula sa mga bansang Netherlands at Germany.

Hindi na rin mabilang ang dami ng mga arestado sa iba’t ibang operasyon kontra-drogang bahagi ang kawanihan.

OPS VS. SMUGGLERS

Kinakitaan din ng sigasig ang BOC sa kampanya kontra sindikato sa likod ng mga smuggling activities ng iba’t ibang kalakal kabilang ang sigarilyo, gulay, gadgets, piniratang branded products, sasakyan, langis, mga exotic animals, at iba pang lubhang nakakaapekto sa lokal na industriya.

Nito lamang pagpasok ng taon, silat agad sa Port of Subic ang tatlong containers na naglalaman ng 1,500 master cases ng sigarilyong tinatayang nagkakahalaga ng hindi bababa sa P90 milyon, bukod pa sa 500 master cases ng sigarilyong nagkakahalaga naman ng P30 milyon sa nasabi ring pasilidad noong buwan ng Disyembre.

Hindi rin nakalusot ang panibagong tangka sa pagpupuslit mula sa bansang Malaysia ng mamahaling Lamborghini Huracán na may halagang P14 milyon sa merkado.

Nitong nakaraang taon, naging masigasig rin ang BOC sa laganap na pagpupuslit ng gulay at iba pang produktong agrikultura mula sa bansang China. Para sa kabuuan ng 2021, aabot sa P14.261 bilyong halaga ng gulay ang nakumpiska at ibinaon sa hukay ng ahensya sa hangaring ‘di na makarating pa sa pamilihan ang mga pinaniniwalaang kontaminadong kontrabando.

DONASYON PARA PAKINABANGAN

Sa gitna ng kapos na pananalapi ng pamahalaan, piniling gawin na lang donasyon ng BOC sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at mga sektor na nangangailangan ang ilan sa mga kumpiskadong kargamento.

Giit ni Guerrero, ang mga kumpiskadong kalakal pwedeng pakinabangan kung idadaan sa wastong
prosesong donasyon lalo pa’t kapos sa pananalapi ang gobyerno bunsod ng pandemya at mga tumamang delubyo.

Sa ilalim ng mga kasunduang kalakip ng mga donasyon, ang mga kumpiskadong produktong petrolyo, mga sasakyan, aklat at iba pang kagamitan, ipinamigay ng BOC.

TIWALI, SINIBAK AT KINASUHAN

Pag-amin ni Guerrero, hindi madali ang pag­lilinis ng ahensyang pinamumunuan, kasabay ng pagtitiyak na patuloy nilang tututukan ang katiwalian sa kawanihan.

Katunayan aniya, kabi-kabila na ang kanilang sinibak, sinuspinde at ni-relieve sa pwesto. Sa tala ng kawanihan, 516 opisyal at empleyado mula sa iba’t ibang tanggapan ng BOC sa buong bansa ang inisyuhan ng show-cause order – mula Enero hanggang Setyembre pa lamang.

Sa datos ng BOC, lima na ang sinibak ni Guerrero mula sa kawanihan, habang 12 naman ang pinatawan ng suspensyon kaugnay ng kampanya ng BOC kontra katiwalian, bukod pa sa mga itinapon sa malalayong tanggapan dahil sa tigas ng ulo at pagsuway sa kanilang reglamento.

Babala ni Guerrero, marami pa ang kanilang kakalusin sa hangarin linisin ng husto ang kanilang ahensya, kasabay ng pahayag kaugnay ng kabi-kabilang pagsasampa ng mga kasong administratibo sa mga sablay na tauhan.

Aniya, isinailalim na rin sa imbestigasyon ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ang 126 opisyal at kawani ng BOC. Sa nasabing bilang, 31 ang sinampahan ng mga kasong administratibo, habang 57 kaso naman ang inindorso na sa National Bureau of Investigation (NBI) at isa sa Office of the Ombudsman para sa kaukulang aksyon.

MAKABAGONG KAWANIHAN

Bilang tugon sa Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act), kabi-kabila ang nakitang pagbabago sa ahensya sa larangan ng makabagong teknolohiyang katuwang ng kawanihan sa hangaring pasiglahin ang kalakalan at tiyaking makalikom ng angkop na buwis at taripa mula sa mga pumapasok at lumalabas na kargamento.

Digital transactions, online payment system, data-sharing agreements sa iba sa mga katuwang na bansa, mga x-ray machines, body cameras para sa mga operatiba, speedboats sa pagtugis sa mga piratang dagat – ilan lang yan sa mga pagbabagong kalakip ng programang modernisasyon ng ahensya.

316

Related posts

Leave a Comment