OUTREACH PROGRAM IKINASA NG PNP-PRO5

MULING ipinamalas ng Police Regional Office 5 ang pagdamay at pagbibigay ng serbisyo sa bawat Bicolano nang walang pinipiling lugar at limitasyon.

Isang patotoo rito ang isinagawang “outreach program” ng mga tauhan ng Vinzons MPS ng Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO), sa pangunguna ni P/Maj. Eva O. Guiruela, chief of police, sa direktang superbisyon ni P/Col. Julius D. Guadamor, Provincial Director, sa Brgy. Mangcawayan, Vinzons, Camarines Norte.

Hindi alintana ang layo ng lugar at pagod, binaybay ng mga pulis ang lugar upang magbigay ng tulong sa mahigit 200 na mga residente ng nasabing barangay. Kasama sa mga ipinamahagi ay grocery packs, school supplies, assorted candies at hygiene kits.

Bahagi rin ng isinagawang programa ang pagbibigay ng kaalaman ukol sa iba’t ibang batas na naglalayong protektahan ang mga karapatan ng kababaihan at kabataan, na ibinahagi ni P/CMS Jannet B. Bernal, WCPD PNCO ng nasabing himpilan.

Hindi naman maitatanggi ang kasiyahang mababanaag sa ngiti ng mga residente dulot ng aktibidad sa mga naging benepisyaryo nito. Lubos ang kanilang pagpapahayag ng pasasalamat na hindi naging hadlang ang lokasyon at layo ng kanilang barangay para mabigyan ng tulong.

Ayon pa sa ng mga residente, ramdam nila ang malasakit at pagdamay ng mga pulis sa kahit na anong panahon at pagkakataon.

“Sa ganitong aktibidad ay pagpapatunay lamang na tunay at seryoso kami sa pagbibigay ng maayos na serbisyo at pagmamalasakit sa mga mamamayan. Makakaasa kayo sa patuloy na pagbibigay ng tulong at kalinga ng gobyerno, kaagapay ng inyong mga kapulisan na may malinis na hangarin para sa ikauunlad at ikakagaan ng pamumuhay ng karamihan sa ating mga kababayan,” pahayag ni P/Maj. Guiruela.

Samantala, pinuri ni P/BGen. Jonnel C. Estomo, Regional Director ng PRO5, ang pagsisikap at dedikasyon ng mga pulis, ‘di lamang sa linya ng implementasyon ng batas kundi pati na rin sa pagiging sandalan sa bawat Bicolano.

“Inyong pakakatandaan na kami ay kaisa ninyo sa pagbuo ng magandang kinabukasan sapagkat naririto kami bilang inyong mga katuwang at kakampi. Sama-sama nating harapin ang mas maganda at maayos na bukas,” pahayag ni RD Estomo. (JESSE KABEL)

284

Related posts

Leave a Comment