CAVITE – Nasunog ang isang pampasaherong bus habang nadamay ang dalawang nakaparadang sasakyan habang binabagtas ang kahabaan ng Aguinaldo Highway sa Imus City noong Miyerkoles ng madaling araw.
Wala namang pasaherong nadamay sa pagkasunog ng pampasaherong Ube Express Bus na may plakang NBQ 7094, na minamaneho ni alyas “Arnel”, 49, na mabilis na nakababa bagama’t nadamay ang isang Nissan Serena na may plakang BEA 378, at Honda Civic na may plakang WMF 436, na nakaparada sa lugar.
Ayon sa ulat, bandang alas-3:50 ng madaling araw nang mangyari ang insidente. Habang binabagtas ng nasabing bus ang kahabaan ng Aguinaldo Highway sa Brgy. Anabu 1-D, Imus City patungo sa direksyon ng Dasmariñas City, nang maamoy ng driver na tila may nasusunog.
Tinangka ng driver na iparada ang sasakyan nang biglang tumigil ang makina nito at tuluyang umapoy ang likurang bahagi.
Mabilis naman nitong pinababa ang kanyang mga pasahero bago pa man lumala ang apoy.
Dalawang sasakyan na nakaparada sa lugar ang nadamay sa nangyaring sunog.
(SIGFRED ADSUARA)
20
