WALANG katiyakan na nagbabayad ng tamang buwis ang mga vlogger o social media influencers sa bansa.
Sa pagdinig ng Tri-Committee na binubuo ng committees on Public Order and Safety, Information and Communications Technology, at Public Information, inamin ni Atty. Tobias Gavin Arcilla ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na umaasa lang sila sa idedeklara ng mga vlogger na kita.
“As stated by our colleague, we rely only on the voluntary declaration of the influencers in so far as their income because there will be great difficulty in monitoring the same considering that their income primarily comes from foreign income payors,” ani Arcilla.
Sa nasabing pagdinig, inamin ni Atty. Yves Gonzales, kinatawan ng YouTube na kumikita ang vloggers sa kanilang mga vlogs kapag marami ang nanonood sa kanila at hindi bababa sa 1,000 ang kanilang followers.
Dahil dito, tinanong ni House deputy minority leader France Castro si Gonzales kung namomonitor ng mga ito ang buwis na binabayaran ng vloggers.
“On the part of YouTube, we do not. And we believe the local internal revenue service are the ones who are monitoring that,” ani Gonzales.
Dahil dito, inatasan ni Antipolo Rep. Romeo Acop si Arcilla na iulat kung ilan sa libu-libong social media influencer at vloggers ang totoong nagbabayad ng buwis lalo n’t umiiral ang Revenue Circular Memorandum No. 97-2021 na nagpapataw ng buwis sa mga ito. (PRIMITIVO MAKILING)
