BUWIS SA DIGITAL ECONOMY, INAWAT NI IMEE

IPINASASANTABI ni Senador Imee Marcos ang mga panukala para sa pagpapataw ng buwis sa tinatawag na digital economy o ang mga negosyo sa online.

Iginiit ni Marcos na maaantala lamang ang pagsulong ng edukasyon, tulong pangkalusugan, at paglikha ng negosyo at trabaho sa panahon ng COVID-19 kung isusulong ng gobyerno ang pagbubuwis sa lahat ng gamit at serbisyo sa digital economy.

Tinukoy ng senador ang panukalang 10% tax sa lahat ng imported na gamit na isinusulong ng Department of Trade and Industry at ang tax sa mga negosyo at serbisyong digital na isinusulong naman sa Kongreso.

Sinabi ni Marcos, chair ng Senate committee on economic affairs, na ang paglikom ng pondo laban sa COVID-19 gamit ang pagbubuwis ay isang “double-edged sword”.
“Ipapasa lang ng mga negosyante ang halaga ng tax sa mga mamimili na karamihan ay mahirap lamang o middle-class,” saad ni Marcos.

Ang digital services o online na serbisyo sa pagkonsulta sa doktor, sa edukasyon, at ng e-commerce o bentahan sa internet ay nagiging pangkaraniwan na, kung saan ang mga digital na produktong imported gaya ng cellphone at laptop ay hindi na itinuturing na luho kundi pangangailangan.

“Hayaan muna ang mga Amazon at Lazada na yan. Atupagin muna ang pagsuporta sa mga umuusbong na negosyo sa Internet na sinimulan ng ating mga madiskarteng kabataan, tulad ng online sari-sari stores, grocery deliveries at mga home-based na paggawa ng face masks at ibang produktong pangkalusugan sa ‘BUYanihan’ program ng Ilocos,” diin pa ng senador.

Binanggit din ni Marcos na ang tinatawag na ‘gig economy’, kung saan dadami ang trabahong “work-from-home” at sariling sikap, ay lumilitaw nang bagong paraan sa pagtakbo ng mga negosyo sa buong mundo. DANG SAMSON-GARCIA

126

Related posts

Leave a Comment