Call center agent sa Pasig timbog naman sa ‘damo’ 7 ARESTADO SA DRUG OPS SA METRO

ARESTADO ang pito katao sa ikinasang drugs buy-bust operation sa magkakahiwalay na lugar sa Metro Manila.

Sa Marikina City, dinakip ang apat na hinihinalang tulak ng ilegal na droga makaraang makumpiskahan ng 11 gramo ng umano’y shabu sa anti-drug operation.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga nadakip na sina Alfie Laguna, 40; Jeare Cambosa, Alberto Laguna III, 33, at Ruby Rose Ruelos y Gabucay, 44, pawang nakatira sa Phase-1, sa lungsod.

Dakong alas-3:35 ng hapon noong Oktubre 19 nang isagawa ang buy-bust operation laban sa mga suspek ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa 5th Avenue, Phase-1 na nagresulta sa pagkaaresto sa mga ito.

Nakuha sa mga suspek ang 6 sachet na shabu na nasa 11 grams at nagkakahalaga ng P78,800, drug paraphernalia at buy-bust money.

Sa Quiapo, Manila, swak sa selda ng Manila Police District – Barbosa Police Station 14, ang isang babae na umano’y tulak ng ilegal na droga makaraang madakip sa inilatag na buy-bust operation.

Kinilala ang suspek na si Veronica Villena y Amante, alyas “Aiko”, nasa hustong gulang, nadakip sa isinagawang buy-bust operation sa panulukan ng Claro M. Recto Avenue at Coromina St. sakop ng Brgy. 391 sa Quiapo.

Batay sa ulat na isinumite ni P/Capt. Gil John Lobaton, hepe ng Station Drug Enforcement Unit, kay P/Lt. Col. Ramon Nazario, station commander, bandang alas-2:15 ng hapon noong Miyerkoles, nagkasa ang mga awtoridad ng buy-bust operation na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na nakumpiskahan ng 100 gramo ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P748,000.

Sa Caloocan City, dinakip ang dalawang lalaki makaraang makumpiskahan ng mahigit sa P.3 milyong halaga ng umano’y shabu sa buy-bust operation.

Ibinalibag sa selda ang mga suspek na sina Victor Alferez Jr., 21, istambay, ng Block 15, Mangga St., Brgy. 178, Camarin, at Zaldy Geroso, 38, ng Phase 7A, Package 10, Block 15, Brgy. 178, Camarin, pawang ng Caloocan City.

Ayon sa ulat, alas-11:30 ng gabi noong Oktubre 18 nang masakote ang dalawa sa Langka St., Brgy. 178, Caloocan.

Nakumpiska sa mga suspek ang 45 gramo ng umano’y shabu na tinatayang P306,000 ang halaga.

Samantala, timbog naman ang isang call center agent makaraang makumpiskahan ng 250 gramo ng umano’y marijuana sa Pasig City.

Kinilala ni P/Col. Benjie Antimado, ng Sub-station-4 ng Pasig PNP, ang inaresto na si Christian Dale Ranario, 24, nakatira sa G. Bunyi St., Brgy. Buting sa lungsod.

Ayon sa ulat, dakong alas-9:15 ng gabi noong Oktubre 21 nang maaresto ang suspek ni P/Cpl. Jomar Banaag, sa isinagawang simultaneous operation.

Nakuha sa suspek ang isang pack ng dried marijuana na 250 grams ang timbang at isang matte blue Mio motorcycle na may plakang 547-TZD.

Ang arestadong mga suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (KNOTS ALFORTE/RENE CRISOSTOMO/ALAIN AJERO)

248

Related posts

Leave a Comment