NAKAPAGTALA ng bagong 15 namatay sa COVID-19 sa Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela (CAMANAVA) area noong Marso 10, habang 2,044 na ang bilang ng active cases at pumanhik sa 1,234 ang pandemic death toll.
Mula sa 475 noong Marso 7 ay umakyat sa 483 ang bilang ng mga namatay dahil sa pandemya sa Caloocan City noong Marso 10.
Umabot sa 15,127 ang confirmed cases sa lungsod kung saan 14,163 na ang gumaling at 481 ang active cases.
Tatlo naman ang binawian ng buhay sa Navotas City dahil sa pandemya at lumobo sa 557 ang active cases makaraang 84 ang magpositibo at 23 lamang ang gumaling noong Marso 10.
Umabot na sa 6,507 ang tinamaan ng COVID sa lungsod, kung saan 5,747 na ang gumaling at 203 ang namatay.
Dalawa namang COVID-19 patients ang namatay sa Barangay Santulan at isa sa Tonsuya, Malabon City, habang umakyat na sa 270 ang COVID casualties sa lungsod.
Ayon sa City Health Department, 77 ang nadagdag na confirmed cases noong Marso 10 at sa kabuuan ay 7,486 na ang positive cases sa Malabon, 586 dito ang active cases.
Habang 27 pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling at sa kabuuan ay 6,630 na ang recovered patients ng siyudad.
Isa naman ang namatay sa Valenzuela City noong Marso 10 at umakyat sa 420 ang active cases makaraang 79 ang magpositibo at apat lamang ang naitalang gumaling.
Hanggang alas-8:00 ng gabi ng nasabing petsa ay 10,544 na ang confirmed cases sa lungsod, 9,856 ang gumaling at 278 ang pandemic fatalities. (ALAIN AJERO)
124