CASIMERO DADAYO SA LONDON PARA KAY TETE

BIGO ang kinatawan ni Filipino boxer Johnriel Casimero na manalo sa ginanap na purse bid.

Resulta: Kinakailangang dumayo ni Casimero sa London para harapin si regular World Boxing Organization (WBO) bantamweight champion Zolani Tete sa Nobyembre 23.

Ang Queensberry Promotions ni Frank Warren, kinatawan ni Tete, ay naglatag ng $301,000 bid, para laktawan ang offer na $258,500 ng TGB Promotions na kumatawan kay Casimero.

Kung nanalo, nais sana ng kampo ni Casimero na gawin sa U.S. ang laban.

Gayunpaman, wala namang nakikitang problema ang kampo ni Casimero, kahit bumiyahe pa siya sa London para harapin doon ang 31-year-old African champion, na halos isang taon nang inactive.

Si Casimero ay kagagaling lang sa 10-round stoppage win kay Mexican Cesar Ramirez noong Agosto 24, para mapanatili ang kanyang WBO interim belt sa San Andres multi-purpose sports complex sa Maynila.

May record na 28-4 (19 KOs), ang 29-anyos na si Casimero ay minsan na ring sumabak sa London, kung saan umiskor siya ng 10th round TKO win laban kay Charlie Edwards para manapatili ang kanyang IBF flyweight belt noong 2016.

Sa kabilang banda, si Tete (28-3, 21 KOs), sapol nang talunin si Mikhail Aloyan sa quarterfinal ng World Boxing Super Series noong nakaraang taon, ay hindi na muling lumaban.

Dapat sana’y haharapin ni Tete si Filipino champion Nonito Donaire sa semis, pero umayaw ito sa torneo matapos magtamo ng shoulder injury.

 

 

164

Related posts

Leave a Comment