CAVITE, QUEZON ISINAILALIM SA STATE OF CALAMITY

NASA ilalim na ng enhanced community quarantine at state of calamity ang buong lalawigan ng Cavite mula March 17 hanggang April 14, 2020
gayundin ang lalawigan ng Quezon.

Sa Cavite, magpapatupad din ng curfew mula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga.

Sa Executive Order No. 10 na pinirmahan ni Cavite Governor Jonvic Remulla, inuutusan ang lahat ng residente sa lalawigan na tumigil na lamang sa kanilang bahay at maaari lamang lumabas kung magtatrabaho, bibili ng gamot at pangunahing pangangailangan o magpapatingin sa doktor.

Exempted sa curfew ang mga panggabing manggagawa gaya sa call center, mga nagtatrabaho sa economic zone at mga security guard, medical practitioners kabilang ang quarantine officers, mga taong may kaugnayan sa pagde-deliver ng basic necessities, public transport services at mga nagpapatupad ng peace and order kabilang ang mga barangay health response team.

Sa pagpapatupad ng community quarantine, sarado rin ang mga mall, off-track betting stations, mga sabungan at gambling houses, internet cafes, gyms, covered court,
park, at iba pang matataong lugar. Ang mga restaurant at fastfood ay pinapayagan lamang sa take-out at delivery orders.

Samantala, idineklara na rin ang state of calamity sa lalawigan ng Quezon.

Ito ang inihayag ni Quezon Governor Danilo Suarez sa isinagawang Joint Quezon Provincial Inter-Agency COVID-19 Task Force and Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council noong Lunes na dinaluhan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa lalawigan.

Ito ay upang magamit aniya ng mga mayor ng bawat bayan ang kanilang calamity fund sa pagsuporta sa kani-kanilang mga residente.

Ipatutupad din ang curfew hour sa probinsya mula alas-8:00 gabi hanggang alas-5:00 ng umaga at mas paiigtingin ang mga checkpoint sa entry at exit points ng probinsya
partikular sa mga bayan na nasa boundary ng Laguna at Batangas kasama na ang Maharlika highway.

Nanatili namang isa ang naitalang positibong kaso ng COVID-19 sa lalawigan, habang 12 pa rin ang naka-confine na patient under investigation (PUI).

Nilinaw rin ng Provincial Health Officer ng Quezon na si Dr. Grace Santiago  na severe pneumonia ang ikinasawi ng isang PUI na naratay sa isang ospital sa Lucena
City. SIGFRED ADSUARA, NILOU DEL CARMEN

225

Related posts

Leave a Comment