CAVS PINABORAN DAHIL KAY MITCHELL

MALAKING asset para sa Cleveland Cavaliers ang pagdating ni three-time All-Star guard Donovan Mitchell.

Nitong Sabado (Linggo sa Manila), opisyal nang nakuha ng Cavs ang serbisyo ni Mitchell mula sa Utah Jazz na inaasahang makakadagdag para tumaas ang tsansa ng team sa Eastern ­Conference.

Kabilang sa package na ipinadala ng Cleveland sa Utah kapalit ni Mitchell sina guard Collin Sexton, forward Lauri Markkanen at rookie guard Ochai Agbaji, kasama ang unprotected first-round draft picks nito sa 2025, 2027 at 2029. Magsu-swap din ang dalawang koponan ng kanilang first-round drafting rights sa 2026 at 2028.

Bilang bahagi ng package, si Sexton, na isang restricted free agent, ay lumagda ng four-year, $72 million deal, ayon kay agent Rich Paul ng Klutch Sports.

Sa pagkaka-acquire kay Mitchell, kasali na ngayon ang Cavs sa kontensyon sa East kung saan ang Boston, Brooklyn, ­Miami, Milwaukee at Philadelphia ay pawang mga ‘championship-worthy.’

”The acquisition of Donovan Mitchell presented us with an incredible opportunity to bring one of the NBA’s most dynamic young All-Stars to Cleveland,” lahad ni Koby Altman, Cavaliers’ president of basketball operations. ”Already a special and proven talent at just 25-years-old, Donovan brings a competitive mentality that organically fits with the core group of this team.”

Sa panig ng Utah, si Mitchell ang ikalawang pinakamalaking trade na naganap ngayong summer. Unang pinamigay ng Jazz si All-Star center at defensive force Rudy Gobert sa Minnesota noong Hulyo kapalit ang ilang draft picks.

Si Mitchell ay may average 23.9 points sa kanyang five pro season.

Hindi pa muling nakapasok ang Cleveland sa playoffs mula nang iwan ni LeBron James (sa ikalawang pagkakataon) noong 2018, na tumapos sa four-year run sa Finals ng Cavs.

At hindi pa tapos ang Jazz sa pamimigay ng player.

Katunayan, naghahanap ang Utah ng offer mula sa ibang koponan para kina Bojan Bogdanovic, Mike Conley, Malik Beasley at Jordan Clarkson, ayon kay Tony Jones ng The Athletic.

Sinasabing interesado ang Lakers kay Bogdanovic, ayon sa USA Today.

At ang Jazz ang sinasabing natitirang team na pupwedeng mapuntahan ni Russell Westbrook sa isang trade.

GIANNIS
PAKITANG GILAS

TULAD nang pagdomina sa NBA, umiskor si Giannis Antetokounmpo ng 25 points at 11 rebounds upang akayin ang Greece sa 2-0 card, matapos talunin ang Italy, 85-81, sa Euro Basketball tournament.

Nagdagdag ang kakamping si Tyler Dorsey ng 23 puntos.

Sa ibang laro, sa Group A, tinalo ng Montenegro ang Belgium, 76-70; nilampaso ng Turkey ang Bulgaria, 101-87; at wagi ang Spain sa Georgia, 90-64.

Nagtala naman ang France ng 77-73 win kontra Lithuania sa Group B actions. Nagsipagwagi rin ang Slovenia kontra Hungary, 103-88 at Germany laban sa Bosnia and Herzegovina, 92-82.

MEXICO
NANORPRESA

GINULANTANG naman ng Mexico ang U.S. team, 73-67, Biyernes ng gabi (Sabado sa Manila) para sa opening game ng Group C ng FIBA AmeriCup.

Top scorer para sa Mexico si Paul Stoll, 15 points at nine assists. Habang nagdagdag si Fabian James ng 13 points at 10 rebounds.

Sa panig ng U.S. nagtala si Jeremy Pargo ng 14 points, umiskor si Norris Cole ng 11 at si Gary Clark may 12 rebounds.

Parehong nagtala ng 39% shooting ang dalawang team. Ang Americans ay may 18 ­turnovers at 22 fouls, kontra 13 at 15 ng Mexico.

Hindi pa naman talsik ang U.S. team, ngunit ang pagkatalo ay nagbigay sa koponan ng pressure sa susunod nitong dalawang laro sa group stage.

May 12 teams sa AmeriCup hinati sa tatlong grupo (may tig-apat na koponan) kung saan ang top two teams ay makasisiguro ng puwesto sa quarters.

Lumalaro para sa U.S. team ang mga player galing sa G League o international clubs.

Ang AmeriCup ay hiwalay na event mula sa ongoing qualifying para sa 2023 Basketball World Cup, na magsisilbing daan para makakuha ng spot sa 2024 Paris Olympics. (VT ROMANO)

141

Related posts

Leave a Comment