Cayetano at Velasco parehong gustong makontrol ang P4.506-T pondo ELECTION BUDGET UGAT NG AGAWAN SA SPEAKERSHIP

HINDI simpleng agawan sa ikaapat na pinakamataas na puwesto sa gobyerno o ang speakership ang natunghayan ng sambayanang Filipino sa pagitan nina Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco kundi may kinalaman ito sa national budget na mahalaga sa 2022 national at local election.

Ganito ang basa ng Makabayan bloc congressmen sa agawan nina Cayetano at Velasco sa speakership at posibleng magpatuloy anila ang bangayang ito ng mga kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte hanggang sa araw ng eleksyon.

“More than the battle of personalities, more than the battle of whether (or not) to comply with the term-sharing agreement, ang nakikita rin po natin ay banggaan ito sa kontrol ng resources hindi lang dito sa House of

Representatives kung hindi ang buong budget na pinagdedebatehan,” ani Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate sa virtual press conference.

Ganito rin ang pananaw ni ACT party-list Rep. France Castro dahil kapwa nais nina Cayetano at Velasco na magkaroon ng kontrol sa P4.506 trillion pondo sa susunod na taon.

Ayon sa mambabatas, ang 2021 national budget ay “election budget” dahil dito nakasalalay kung iboboto muli o hindi ng mamamayang Filipino ang mga incumbent elected officials o hindi.

“Alam natin na nasa likod nitong bangayan na ito yung 2021 budget na tinuturing nating election budget. Nakikita natin dito yung mahigpit na bangayan kaugnay nito,” Castro.

Nais ni Cayetano na tapusin muna ang budget bago ito magbitiw bilang Speaker sa Disyembre habang gusto ni Velasco na maupo na mula noong Setyembre 30, sa gitna ng deliberasyon ng pambansang pondo.

Sinabi ng dalawang nabanggit na mambabatas na hindi na nila ito ipinagtaka dahil napakaimportante ang pambansang pondong ito sa kanilang mga susunod na kilos para paghandaan ang 2022 election kung saan muling maghahalal ang bansa ng pangulo.

Naniniwala rin si Zarate na masunod man o hindi ang term-sharing agreement nina Cayetano at Velasco ay hindi matatapos ang bangayan ng magkalabang paksyon sa kuwadra ni Pangulong Duterte dahil paparating na ang halalan.

“Magtutuloy-tuloy yan [bangayan] dahil nga yung tinatawag nating war of dominance of these different factions and blocs is also aimed at their own conflating interests especially leading towards the 2022 elections.

This is a preview of what’s to come, how the political landscape in the next months and years leading toward 2022 would be shaped by this ongoing and never-ending war of dominance between these factions and blocs,” dagdag pa ni Zarate. (BERNARD TAGUINOD)

412

Related posts

Leave a Comment