CAYETANO: KABATAAN ILAYO SA KRIMEN, HUWAG ITURING NA ‘HARDENED CRIMINALS’

NANAWAGAN si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na pagtuunan ng pansin ang paglikha ng maayos na kapaligiran para sa mga kabataan sa halip na basta pababain ang edad ng criminal liability kasunod ng mga madudugong insidente ng karahasan sa mga paaralan.

Sa isang Facebook livestream noong Hunyo 24, sinabi ni Cayetano na nauunawaan niya ang panawagan para sa hustisya ng mga pamilya ng mga biktima ngunit hindi aniya dapat ituring na “hardened criminals” ang mga menor de edad upang mapigilan silang masangkot sa krimen.

“I just want to really pray for the parents, for the loved ones ng mga nasawi. And of course, ask people to be sensitive, to pray for them. We understand their cry for justice,” ani Cayetano.

Matatandaang ikinagulat ng publiko ang pamamaril ng dalawang menor de edad sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City kung saan tatlong estudyante ang nasawi at ilan pa ang nasugatan.

Bago nito, dalawang magkahiwalay na insidente ng pananaksak sa loob ng mga paaralan sa Cavite ang naitala na kinasangkutan din ng mga estudyante.

“Hindi tayo pwedeng ma-desensitize d’yan. Hindi pwedeng maging normal iyan,” diin ng senador.

Sa gitna ng panibagong panawagan na amyendahan ang Juvenile Justice and Welfare Act, hinimok ni Cayetano ang mga kapwa mambabatas na maging maingat sa anumang reporma upang hindi lalong mailapit ang kabataan sa kriminalidad.

“It’s really getting to a consensus of what law will be most proactive and relevant to us where we can protect our young people, not expose them to criminality; not treat them as hardened criminals, but also deter them and their parents from going into violence and violent crimes,” aniya.

Sa ilalim ng umiiral na batas, hindi maaaring panagutin sa krimen ang mga batang 15 taong gulang pababa at sa halip ay isinasailalim sila sa intervention programs. Ang mga mahigit 15 ngunit wala pang 18 taong gulang naman ay maaari lamang managot kung mapatutunayang alam nilang mali ang kanilang ginawa.

Ayon kay Cayetano, hindi sapat na sagot ang simpleng pagpapababa ng minimum age of criminal responsibility.

Sa halip, dapat tiyakin ng pamahalaan na maayos ang “total environment” ng mga kabataan kabilang ang kanilang mga napapanood online, mga natututunan sa paaralan, at mga karanasang nakukuha sa tahanan at komunidad.

“Everything is just a shock to us. So, we have to reflect kung anong tinatanim natin sa isip ng mga bata,” aniya.

Binigyang-diin din niya na dapat manatiling pinakaligtas na lugar para sa mga kabataan ang kanilang tahanan, paaralan at simbahan.

“The reason po that we’re more sensitive when it is schools, churches, or home is because this is the place where children should be safe,” paliwanag niya.

Isa rin sa mga nakikitang dapat tugunan, ayon kay Cayetano, ang kakulangan ng mga silid-aralan na nagiging dahilan ng maikling oras ng klase sa maraming pampublikong paaralan.

“Ano naman kinalaman ng K to 12 sa nangyari? Eh guys, half day na lang po most of our schools. I don’t know exactly sa Leyte, but most of our schools sa highly urbanized places are half day. So mas madami pang oras ang bata sa lansangan at saka sa social media,” ani niya.

Para sa senador, ang mga kabataan ang pinakamahalagang yaman ng bansa kaya kinakailangang pag-isipan nang mabuti ang anumang hakbang na may kinalaman sa kanilang kinabukasan.

“Ang number one resource natin is not oil or gas or gold or livestock. It’s our children,” ani Cayetano.

“We have to have very, very deep thought into this problem because existential ‘to sa pamilya ng bawat Pilipino,” dagdag pa niya.

120

Related posts

Leave a Comment