NANINDIGAN si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na hindi “powerless” at may mahalagang papel ang mga korte at hukuman sa bansa, kaya nararapat lamang aniyang igalang ang mga ito.
Ang pahayag ni Cayetano ay kasunod ng mga ulat na posibleng maglabas ng warrant of arrest ang ICC laban kina Senators Ronald “Bato” dela Rosa at Christopher Lawrence “Bong” Go kaugnay ng mga alegasyon ng extrajudicial killings (EJK) noong nakaraang administrasyon, kung saan itinuturing umano silang conspirators ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Iginiit ni Cayetano na dapat kilalanin at igalang ang kapangyarihan ng mga korte sa Pilipinas.
Nagbabala rin siya na magiging delikado umano para sa bawat Pilipino kung basta na lamang susunod ang pamahalaan sa isang international court upang arestuhin at dalhin sa ibang bansa ang isang mamamayan.
Ayon kay Cayetano, maaari nitong maapektuhan ang soberanya ng bansa at ang bisa ng Saligang Batas kung magiging sunud-sunuran ang pamahalaan sa mga utos ng isang international court.
Binigyang-diin pa niya na kung may mga isyu sa karapatang pantao, may sapat na mekanismo sa loob ng bansa upang humingi ng hustisya at papanagutin ang sinumang sangkot—sa pamamagitan ng mga lokal na hukuman.
Dahil dito, ibinunyag ni Cayetano na pinag-aaralan na ng minorya sa Senado ang paghahain ng isang resolusyon upang ipahayag ang posisyon ng Senado at igiit ang pagrespeto sa mga hukuman ng Pilipinas.
4
