CAYETANO PABOR SA PANUKALANG SUPORTAHAN MGA PAARALAN SA LIBLIB NA LUGAR

Suportado ni Alan Peter Cayetano ang pag-apruba ng Senado sa panukalang magpapalakas ng suporta sa mga paaralan sa liblib at mahihirap na komunidad.

Nilagdaan ng Senate Minority Leader ang committee report para sa GIDA Schools Act na naglalayong palawakin ang access sa kalidad na edukasyon para sa mga mag-aaral sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas.

Ayon kay Cayetano, mahalaga ang edukasyon upang mabigyan ng mas maraming oportunidad ang mga Pilipino.

“When the education system becomes number one in priority, talagang gaganda ang buhay ng mga Pilipino. Much more opportunities will come,” aniya.

Layunin ng panukala na palakasin ang suporta ng pamahalaan sa mga paaralang nasa malalayong lugar, mga komunidad na apektado ng kaguluhan, at mga lugar na tinitirhan ng mga katutubo kung saan limitado ang pasilidad at learning materials.

Sa ilalim ng panukala, inaatasan ang Department of Education na magtatag ng National GIDA Schools Mapping System upang matukoy at ma-prioritize ang mga paaralang nangangailangan ng tulong.

Itinatakda rin ang accessibility standard kung saan dapat may paaralan sa loob ng tatlong kilometro mula sa tahanan ng mga mag-aaral o magkaroon ng ligtas na transportasyon para sa kanila.

Makikipagtulungan din ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Public Works and Highways para sa access roads, Department of Energy para sa electrification, Department of Information and Communications Technology para sa internet connectivity, at National Commission on Indigenous Peoples upang matiyak ang paggalang sa karapatan ng mga katutubo.

Nakasaad din sa panukala ang karagdagang benepisyo para sa mga gurong nakatalaga sa GIDA schools kabilang ang hardship pay, housing support at training.

109

Related posts

Leave a Comment