CAYETANO: RESOLUSYON LABAN SA CHINA DAPAT DUMAAN MUNA SA KOMITE

NANINDIGAN si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na dapat munang idaan sa committee hearing ang isang resolusyong may kinalaman sa Chinese Embassy, sa gitna ng umiinit na palitan ng pahayag kaugnay ng West Philippine Sea.

Ayon kay Cayetano, maselan ang isyu at may direktang implikasyon sa foreign policy ng bansa, kaya hindi dapat minamadali ang paglalabas ng pormal na posisyon ng Senado nang hindi ito lubusang nahihimay.

Sa liham na ipinadala niya noong Enero 27, 2026 kay Senate President Vicente Sotto III, inilahad ng senador na hindi naisama sa lingguhang agenda ang resolusyon at una lamang itong naipasa sa hanay ng mayorya, dahilan kaya kulang ang oras ng minorya para pag-aralan ang panukala.

Bukod sa usapin ng proseso, iginiit ni Cayetano na dapat ding isaalang-alang ang kasalukuyang estado ng diplomasya ng bansa, lalo na’t may umiiral nang tensiyon sa mga pahayag na inilalabas sa publiko.

Para sa senador, mas magiging malinaw at makabuluhan ang talakayan kung maririnig muna sa isang pagdinig ng komite ang paliwanag ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ng mga eksperto sa diplomasya.

Aniya, sa ganitong forum maaaring mailahad ang buong konteksto ng isyu, ang kasalukuyang ugnayan ng Pilipinas at China, at ang posibleng epekto ng anomang hakbang ng Senado.

Tinukoy rin ni Cayetano na nagpaabot na ng alalahanin ang DFA sa Chinese Embassy kaugnay ng mga pahayag nito sa publiko, kasabay ng panawagan sa maingat at mahinahong pagtugon upang hindi na lumala ang sitwasyon.

Bagama’t kinilala niya ang karapatan ng mga mambabatas na magpahayag ng kani-kanilang tindig, iginiit ni Cayetano na ang mga usaping may kinalaman sa foreign relations ay dapat dumaan sa tamang proseso.

“It is important to recognize that matters affecting foreign relations fall within established diplomatic frameworks,” ani Cayetano.

3

Related posts

Leave a Comment