MAGHAHARAP ngayong araw sina House Speaker Alan Peter Cayetano at presumptive Speaker Lord Allan Velasco matapos silang ipatawag sa Malacanang.
Hindi na nakatiis si Pangulong Rodrigo Duterte sa gulo sa mababang kapulungan ng Kongreso kaya sa kabila ng mga naunang pahayag na hindi na siya makikialam ay nagpasya itong kausapin ang dalawa mamayang 12:30 ng tanghali sa Malago Clubhouse sa loob ng Malacanang Palace.
Kahapon, iniluklok ng 186 kongresista si Velasco bilang bagong speaker sa isinagawang session sa Celebrity Sports Plaza sa Quezon City habang naninindigan naman si Cayetano na siya pa rin ang lehitimong speaker.
Sa kanilang muling paghaharap kasama si Pangulong Duterte, inaasahang matutuldukan na ang gusot upang makausad ang pagtalakay sa 2021 proposed national budget.
