(Ni Ann Esternon)
Setyembre 1966 nang itayo ang CCP at ngayon ito ay nasa ikalimang dekada na sa industriya.
Noong Hulyo 20 ay ipinagdiwang ng Cultural Center of the Philippines (CCP) ang ika-50 taon nitong anibersaryo sa pagpapakilala, paghubog at pagpreserba ng sining at kultura ng mga Filipino.
Nagtanghal din dito ang Koryolab Choreographers na binubuo nina Buboy Raquitico, Christopher Chan, Dingdong Selga, Michael Que, at Sarah Samaniego.
Nagbigay din ng talumpati sina Baltazar Endriga at Nestor Jardin, mga dating CCP President; at Chris Millado, CCP VP/Artistic Director.
Si dating Unang Ginang Imelda Marcos ang isa sa mga personalidad na nasa likod ng pagkakatatag ng CCP ngunit hindi ito nakadalo sa naturang okasyon.
Nasa okasyon din si Toym Imao na isang visual artist para sa kanyang pagpapakilala ng “Ginintuang Sining” at Remarks.
Bilang bahagi ng ika-50 taon ng CCP, may espesyal na aktibidad din sa Setyembre kabilang na rito ang Installation of Historical Marker na nagsasabing ang CCP Main Building ay Heritage Structure, Paglulunsad ng CCP Historical Timeline, Ginintuang Sining: Katotohanan, Kabutihan, Kagandahan – sound and light installation at live performance sa harap at ramp 19-22 ng CCP, at marami pang iba.
Sa Oktubre ay may soft launch ng 21AM: the 21st Century Arts Museum.
Sa Nobyembre ay magkakaroon ng paglulunsad ng Tanghalang Ignacio Jimenez, Singing Cinema: Mga Awit ng Pinilakang Tabing, at iba pa.
Magkakaroon din ng CCP Homecoming Christmas Party at Simbang Gabi na magaganap sa Disyembre.
Sa Enero, abangan din ang Ternocon na avenue para sa mga kilalang fashion designers sa bansa sa mga obra ng mga ito kabilang ang mga baguhang designers. Gaganapin din dito ang Opera: Donizetti’s Lucia di Lamemoor.
Tunghayan sa Pebrero ang Pasinaya naman 16: The Festival Street Dance Edition at ang paglunsad ng CCP commemorative stamp.
Pagkilala sa husay at galing naman ang aabangan sa Marso para sa Gawad CCP Para Sa Sining, paglunsad sa Encyclopedia of Philippine Arts Digital Table at ang Ang Huling Filipino: Mabini.
Iikot pa ang iba’t ibang aktibidad ng CCP hanggang sa susunod pang Setyembre ng 2020 bilang bahagi pa rin ng pagdiriwang para sa kanilang ika-50 taong anibersaryo kaya dapat itong pakaabangan.
Bubuhos pa ang samu’t saring pagtatanghal para sa “50 free shows and 50 shows for 50 pesos” kung saan mayroon ditong mga dula, sayaw, concerts series, musical treats, art exhibits at marami pang iba.
