MANANATILI sa general community quarantine (GCQ) ang kalakhang Maynila sa susunod na dalawang linggo o mula Hulyo 16 hanggang Hulyo 31.
Inanunsyo ito ni Presidential spokesperson Harry Roque sa public address ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, araw ng Miyerkoles, Hulyo 15.
Ani Sec. Roque, bago ito ay ipinanukala ng UP expert na ibalik sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang MM dahil sa mataas na kaso ng COVID-19 na naitala na noong una ay sinang-ayunan ni Pangulong Duterte. Subalit nagkaisa naman ang LGUs na mas paiigtingin nila ang localized lockdown at iba pang safety measures huwag lang alisin sa GCQ ang kanilang nasasakupan.
Dahil dito, ang naging kondisyon mula sa Pangulo ay kailangan mapabagal ang pagkalat ng sakit dahil kung hindi ay posibleng bumalik sa MECQ ang National Capital Region matapos ang dalawang linggo.
Sinabi ni Sec. Roque na dapat isipin ng mga kababayang Filipino sa MM na ‘ingatan ang buhay para sa ating hanapbuhay.’
Sa kabilang dako, bukod sa MM, ang lugar na nasa ilalim din ng GCQ hanggang Hulyo 31, 2020 ay ang Laguna, Cavite, at Rizal para sa Luzon Region IV-A; Lapu Lapu City, Mandaue City para sa Visayas Region VII, Ormoc City, Southern Leyte, Zamboanga City, Butuan City, Agusan del Norte, Basilan, Talisay, Minglanilla, at Concepcion sa Cebu Province.
Inilagay naman ng Pangulo ang mga sumusunod na lugar sa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ) na may zoning containment strategy at strict local action gaya ng CAR – Benguet, Baguio City; Region I – Ilocos Sur, Pangasinan, Ilocos Norte, La Union, Dagupan City; Region II – Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya; Region III – Bataan, Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan, Tarlac, Zambales, Angeles City; Region IVA – Batangas, Quezon, Lucena City; Region IVB – Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Puerto Princesa City; Region V – Albay, Masbate, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Sorsogon, Naga City; Region VI – Iloilo, Negros Occidental, Capiz, Antique, Aklan, Guimaras, Iloilo City, Bacolod City; Region VII – Negros Oriental, Bohol, Cebu Province; Region VIII – Western Samar, Leyte, Biliran, Tacloban City; Region IX – Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, Zamboanga del Norte; Region X – Misamis Occidental, Bukidnon, Lanao del Norte, Cagayan de Oro City, Iligan City; Region XI – Davao Oriental, Davao del Norte, Davao del Sur, Davao de Oro, Davao City; Region XII – Sultan Kudarat, Cotabato, South Cotabato, General Santos City; at BARMM – Lanao del Sur, Maguindanao.
Binanggit din ni Sec. Roque na isinailalim sa MGCQ medium risk ang mga lugar na gaya n Region XIII – Agusan del Sur, Dinagat Island, Surigao del Norte, and Surigao del Sur.
Ang natitirang lugar sa bansa ay mananatili naman sa MGCQ hanggang Hulyo 31, 2020. (CHRISTIAN DALE)
