ISINAILALIM ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) nitong Biyernes, Agosto 14 ang mga lalawigan ng Nueva Ecija, Batangas, Quezon sa Luzon sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) simula bukas, Agosto 16, 2020 hanggang Agosto 31, 2020.
Ang iba pang lugar na nasa ilalim ng GCQ ay Iloilo City, Cebu City, Lapu Lapu City, Mandaue City, Talisay City, mga munisipalidad ng Minglanilla at Consolacion sa Cebu province para sa Visayas.
Ang natitirang lugar sa bansa ay nasa ilalim naman ng Modified General Community Quarantine (MGCQ), kasama ang ilang lalawigan, highly urbanized cities at independent component cities na may strict enforcement ng local action.
Sa kabilang dako, inatasan naman ang National Task Force (NTF) at Department of Interior and Local Government (DILG) na siguraduhin na ang mga lugar ay may local action at magpapatupad ng mahigpit na lockdown alinsunod sa Zoning Containment Strategy, mahigpit na pagpapatupad ng minimum public health standards, at pinaigting na tracing at quarantine ng mga close contact at isolation ng confirmed cases.
Samantala, ang community quarantine classification ng National Capital Region (NCR), Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal ay iaanunsyo naman ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa darating na Lunes, Agosto 17 o bago magtapos ang MECQ classification sa mga nasabing lugar sa darating na Martes, Agosto 18. (CHRISTIAN DALE)
