BUNSOD ng banta sa COVID-19, iginiit ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez sa Philippine Statistics Authority (PSA) na ipagpaliban ang census upang hindi nakadagdag sa problema sa pandemya.
Sa kanyang House Resolution (HR) 1186, kinastigo ng mambabatas ang PSA dahil sa banta nito na pagmumultahin ng P100,000 ang mga taong ayaw makipagtulungan sa isasagawang census at ikukulong pa ng isang taon.
Ginawa ni Rodriguez ang resolusyon dahil naghahanda na ang PSA sa ilulunsad na census ngayong taon kaya kumuha na ito 113,364 data enumerators at 22,000 supervisors na bibisita sa bawat bahay sa buong bansa.
“While the agency has given assurances that these personnel have been trained to follow strict health protocols like wearing masks and face shields and to keep a safe distance when interviewing residents for an estimated 15-30 minutes, there are still risks not only for the interviewees but interviewers and data enumerators as well,” ayon sa mambabatas.
Mahalaga aniya ang population survey na ito dahil nakasalalay rito ang development planning at isasagawang polisiya ng national government subalit hindi umano ito dapat isabay sa pandemya na patuloy na nararanasan sa bansa.
Sa dami aniyang mga tao na kailangang kausapin ng mga tauhan ng PSA ay walang makakaalam kung positibo o hindi sa mga taong pupuntahan ng mga ito kaya posibleng lumala ang problema sa COVID-19 kapag nagkataon.
“There will be face-to-face interviews and the possibility of infection is still there,” ani Rodriguez kaya iminungkahi nito na isagawa na lamang ang census sa Enero 2021.
Bukod dito, hindi nagustuhan ng mambabatas ang banta ng PSA na parurusahan ang mga taong hindi makipagtulungan sa kanilang mga tauhan.
“Such threat amid the pandemic is uncalled for and inappropriate. What we need is, as far as practicable, fewer people in the streets and outside their homes to help contain the spread of COVID-19,” ayon pa sa solon. (BERNARD TAGUINOD)
