IGINIIT kahapon ng high tribunal na pwedeng gamiting ebidensya sa criminal case ang mga chat log at videos.
Sinabi rin ng Supreme Court na hindi ito maituturing na paglabag sa right to privacy ng isang akusado.
Ito ang nakasaad sa desisyon na pinonente mismo ni Associate Justice Mario V. Lopez.
Kasunod ito ng desisyon na napatunayang guilty ng second division ng Korte Suprema sa kasong qualified trafficking in persons sa ilalim ng Anti-Trafficking of Persons Act si Eul Vincent O. Rodriguez, gamit ang Facebook at ibang online platform.
Sinentensyahan siya ng life imprisonment at pinatawan ng multang nagkakahalaga ng PHP 2 milyon.
Nag-ugat ang kanyang kaso taong 2014 nang mahuli si Rodriguez sa isang entrapment operation ng Anti-Human Trafficking Task Force ng Region 7 matapos alukin ang 14-anyos na si AAA sa hotel para gumawa ng live na hubo’t hubad na palabas.
Sinimulang imbestigahan ng task force si Rodriguez noong 2013 matapos makakuha ng tip mula sa United States Immigration and Customs Enforcement.
Gamit ang isang decoy account, nakipag-ugnayan ang isang pulis kay Rodriguez sa iba’t ibang online na platform na may record ng kanilang mga ugnayan. (JULIET PACOT)
85