12-TAONG KULONG SA MANGONGONTRATA NG KILLER

MAKUKULONG ng hanggang 12 taon ang sinomang mangongontrata ng assassin o hired killer para patayin ang taong kinamumuhian o kalaban kahit hindi ito naisakatuparan.

Ito ang nilalaman ng House Bill (HB) 11166 o “Anti-Solicitation of Murder Act” na inihain kahapon ni House deputy majority leader Jude Acidre kasunod ng pahayag ni Vice President Sara Duterte na kumausap na umano siya ng killer na papatay kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos at House Speaker Martin Romualdez kapag siya ay napatay.

“Ang House Bill No. 11166 ay tugon sa kakulangan ng malinaw na batas laban sa ganitong uri ng karahasan. Hindi pwedeng hayaan na ang ganitong klase ng kilos, kahit na mula pa sa pinakamataas na opisyal ng gobyerno, ay walang katapat na parusa,” ayon sa mambabatas.

Sa inihaing batas, kahit kinausap pa lamang ang taong papatay ay maaari nang kasuhan at kapag napatunayang guilty ay maaaring makulong ng mula walo hanggang 12 taon at may multang P1,000,000.

Mas mabigat na parusa ang kakaharapin ng nangontrata ng assassin kapag nauwi ito sa attempted murder dahil hanggang 17 taon ito maaaring mabilanggo bukod sa multang hanggang P2,000,000.

Maparurusahan naman ng 20 taon ang nangontrata ng killer kapag nauwi ito sa frustrated murder at multang P2,000,000 subalit kung napatay ang taong ipinapatay ay habambuhay na pagkakabilanggo ang magiging kaparusahan nito.

Mas mataas na multa naman ang ipapataw sa nangontrata ng killer kung ang mga ito ay public official at judicial persons kahit hindi naisakatuparan ang pagpatay bukod sa kailangang magbayad ang mga ito ng danyos sa pamilya ng nais nilang ipapatay.

“Ang panukalang batas na ito ay magbibigay ng malinaw na mensahe: hindi dapat hayaan na ang pananakot at karahasan ay bahagi ng ating lipunan, lalo na kung ito’y nagmumula sa mga may kapangyarihan,” ayon pa sa mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)

84

Related posts

Leave a Comment