CAVITE – Sugatan ang dalawa katao habang nawasak ang dalawang motorsiklo gayundin ang nakaparadang mobile patrol makaraang araruhin ng van sa isang checkpoint sa Dasmariñas City sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng gabi.
Isinugod sa UMC Hospital ang mga biktimang sina Reginald Plaga, nasa hustong gulang, at Paulino Sabagay Jr., 28, dahil sa mga sugat sa katawan nasira naman ang kanilang motorsiklo gayundin ang
motorsiklo ng isang Edsel Rex Etol, 27, at ang mobile patrol ng Dasmariñas City Police na may conduction sticker na A1 D082.
Kasong reckless imprudence resulting in serious physical injuries and damage to property ang haharapin ng driver ng Nissan NV350 na may plakang NFA 889, na si Celso Mendoza, 62-anyos.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Donato Almenario ng Dasmariñas CPS, dakong alas-11:00 ng gabi, nagsasagawa ng inspeksiyon ang mga operatiba ng Dasmariñas CPS, sa pangunguna ni PCMS Ace Paredes, sa isang checkpoint sa Mangubat Ave. Brgy. Burol Main ng naturang lungsod kung saan nakatayo ang mga biktima sa tabi ng kanilang motorsiklo.
Ngunit bigla umanong dumating ang sasakyan na minamaneho ni Mendoza at binangga ang mga motorsiklo at ang nakatayong mga biktima gayundin ang mobile patrol ng Dasmariñas CPS.
Nasugatan ang dalawang biktima na agad isinugod sa ospital habang nawasak naman ang dalawang motorsiklo at ang mobile patrol. (SIGFRED ADSUARA)
