CHIEF OF POLICE NG STA. ANA CAGAYAN PATAY SA AKSIDENTE

PATAY ang hepe ng Sta. Ana Police Station matapos na tumaob ang minamaneho nitong kotse makaraang salpukin ng isang van sa Sitio Limbus, Brgy. Rapuli, Sta. Ana, Cagayan.

Kinilala ang biktimang si PMaj. Ranolfo Gabatin, hepe ng Police Station ng Sta. Ana, residente ng Centro East, Sta. Teresita, Cagayan.

Pansamantalang nakadetine ang nagmamaneho ng van na si Joseph Munzon, 56-anyos, magsasaka, residente ng Sitio Racat, Brgy. Rapuli, Sta. Ana, Cagayan.

Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon, kapwa binabagtas ng van at kotse ang kahabaan ng national road sakop ng Sitio Limbus sa Brgy. Rapuli patungo sa Brgy. Diora-Zinungan.

Nang makarating sa lugar ng insidente, binusinahan umano ni PMaj. Gabatin ang van para isignal ang intenyon nitong mag-overtake.

Habang nasa proseso na umano ng pagbalik sa linya ang kotse ay nasalpok ng van ang likurang bahagi nito na naging sanhi para mawalan ito ng kontrol at tumaob ang sasakyan.

Agad namang naitakbo ng nagrespondeng rescue team sa Father Gerry Filippeto Memorial Hospital sa Brgy. Sta Cruz, Sta. Ana, Cagayan ang biktima.

Ngunit habang nilalapatan ng lunas si PMaj. Gabatin ay binawian ito ng buhay dahil sa mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

(JESSE KABEL RUIZ)

52

Related posts

Leave a Comment