Kasunod ng magnitude 7.7 quake sa Myanmar DND-OCD INATASANG IHANDA ANG BANSA VS ‘THE BIG ONE

INATASAN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang Department of National Defense-Office of Civil Defense (OCD) na ihanda ang bansa sa malalaking kalamidad na posibleng tumama sa Pilipinas gaya ng malakas na lindol na yumanig sa Myanmar at kumitil ng mahigit 2,000 katao.

Ayon kay OCD National Director USec. Ariel Nepomuceno, nais ni Pangulong Marcos na makabuo ng long-term solutions pagdating sa usapin ng mga natural calamity, kabilang na ang pinangangambahang “The Big One”— isang 7.2 magnitude earthquake o higit pa, na maaaring tumama sa bansa partikular sa urban areas.

Aminado ang Office of Civil Defense na hindi pa handa ang maraming lugar sa Pilipinas sakali mang tumama ang “The big one” na posibleng maging kasing-lakas ng magnitude 7.7 na lindol na yumanig sa Myanmar.

Paliwanag ni Nepomuceno, bagama’t alam na ng mga Pilipino ang “duck, cover and hold” ay kulang pa rin ang paghahanda at katatagan ng mga imprastraktura sa bansa.

Inihalintulad ng opisyal ang posibleng paggamit ng “duck, cover, and hold” technique na laging itinuturo sa mga earthquake drill, na bagama’t halos lahat ng mga Pilipino ay pamilyar sa naturang istratehiya, mahihirapan pa ring isagawa ito kung ang mga gusali mismo ang unang bibigay sa oras ng kalamidad.

Binigyang-diin ni USec. Nepomuceno, kailangang sumailalim sa retrofitting o pagpapatibay ang mga paaralan at health centers sa Pilipinas upang makayanan ang malalakas na pagyanig.

Subalit ang tiyak umano ay nakahanda ang pamahalaan na magresponde

dahil sumailalim na aniya sa pagsasanay ang mga magsisilbing first responders kabilang ang rescuers, sakali mang tumama ang malakas na lindol.

Pinangangambahang sakaling yanigin ang bansa ng malakas na lindol ay nanganganib ang buhay ng mahigit 50,000 katao.

Nauna nang sinabi ng mga seismologist sa bansa na hinog na ang Marikina West Valley Fault dahil hindi pa ito gumalaw sa loob ng dalawang siglo.

“Kung saan sa Pilipinas, except sa Palawan, halos lahat ng parte ng Pilipinas ay may mga active faults. We have more than 180 active fault segments and six trenches, and these are all capable of generating light to major and even great earthquakes. So kailangan talaga nating paghandaan,” ayon pa sa opisyal.

(JESSE KABEL RUIZ)

52

Related posts

Leave a Comment