KAALAMAN ni MIKE ROSARIO
NAALARMA si Deputy Majority Leader at Iloilo First District Representative Janette Garin sa mataas na bilang child exploitation sa bansa na nagaganap sa online para kumita ng pera.
Ikinabahala ito ng mambabatas, matapos ibunyag ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na pumapangalawa ang Pilipinas sa mundo sa isyu ng online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC).
Ayon sa kanya, nakakaalarma na edukasyon ang dapat ibinibigay sa mga bata, at hindi ganito ang dapat nilang nararanasan.
Sabi pa ng mambabatas na kailangang masilip kung bakit nangyayari ang ganito sa mga kabataang Pilipino.
Iisa lang po ang dahilan kung bakit pinapayagan ng mga magulang ang kanilang mga anak na pumasok sa ganitong klaseng gawain, ito ay dahil sa kakapusan nila sa pera.
Ang tawag po dito, ay “kapit sa patalim” dahil sa kahirapan nila lalo na ngayong walang tigil ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Imposibleng hindi alam at walang pahintulot ang mga magulang sa ginagawa ng kanilang mga anak na nasasadlak sa online sexual exploitation.
Sa katunayan, marami na tayong naririnig na nangyayaring online sexual abuse and exploitation sa mga kabataan.
Maaaring ang kanilang mga magulang pa ang nag-uudyok sa kanila na gawin nila ito kapalit ang pera na magmumula sa mga parokyano ng mga bata, lalo na ang mga dayuhan.
Nakalulungkot ang ganitong pangyayari na ang ating mga kabataan ay napapasok sa ganitong sexual abuse and exploitation na sisira sa kanilang kinabukasan.
Nauna rito, sinabi ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy na kulang sila ng mga kinakailangang kasangkapan upang matukoy ang mga may kagagawan sa krimen na ito.
Kung talagang gustong resolbahin ng gobyerno ang problemang ito ay alamin nila ang mga pamilya na may anak na gumagawa nito.
Kadalasan, ‘yan ang mga pamilya na nasa mga probinsiya na kung saan ay malala ang kahirapan subalit kapansin-pansin na may koneksyon ng internet. ‘Yung iba naman, kung walang internet connection ay madalas na nagpapa-load para magamit nila sa matagal na pakikipag-chat sa kanilang mga parukyano.
Alamin din dapat ng gobyerno sa bawat barangay kung sino ang madalas na tumatanggap ng remittance ng pera mula sa abroad bagama’t wala naman silang kamag-anak na nagtatrabaho sa ibang bansa.
‘Yan ang mga palatandaan na may naaabusong bata sa isang lugar o barangay.
Hindi rin dapat matapos lang sa imbestigasyon ang gagawin ng gobyerno sa mga pangyayaring ito kundi bigyan nila ng alternatibong pagkakakitaan ang pamilya na may kaso ng OSAEC.
Gutom sa pamilya ang pangunahing dahilan kung bakit nagkakaganito ang mga pamilyang Pinoy.
Siguro iniisip ng mga magulang na kahit na malagay sa kahihiyan ang kanilang mga anak, ang mahalaga sa kanila ay nalalagyan ng laman ang kanilang mga sikmurang kumakalam.
Kung tutuusin, madaling malaman kung sinong pamilya ang gumagawa ng ganitong klaseng pagkakaperahan, makipagtulungan lang po kayo sa barangay officials ng bawat lugar para matukoy po ninyo ang sinasabi kong palatandaan na may biktima ng OSAEC.
