POSIBLENG nais ng China na sila ang magbenta ng military hardware at weapon sa Pilipinas kaya tinutuligsa ng mga ito ang desisyon ng Department of National Defense (DND) na sa Estados Unidos bumili ng kagamitan.
Ito ang basa ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers matapos tawagin ni Chinese Ministry of Foreign Affairs, Mao Ning na “irresponsible choice” ang desisyon ng Pilipinas na sa Amerika bumili.
“Baka siguro gusto ng China ay sa kanila tayo bumili ng mga military weapons na kung iisipin ay baka mabudol tayo dahil kilala sila sa pag-produce ng mga counterfeit o peke na mga gamit, mga kagamitan from head to foot,” ani Barbers.
Nanawagan din ang mambabatas sa sambayanang Pilipino na magkaisang tuligsain ang patuloy na pangingialam ng China sa Pilipinas tulad ng pagpayag nito na ideploy ng Amerika ang kanilang Typhon missile system.
Ang nasabing missile system ay dinala ng US Army sa Pilipinas noong nakaraang taon kasabay ng large-scale military exercises sa pagitan ng dalawang bansa sa ilalim ng Balikatan subalit maging ito ay pinakikialaman ng Communist Party of China (CPC).
“Anong pakialam ng CPC kung magdala ang US ng Typhoon Missile system sa Pilipinas para sa joint US-PH military exercises. Nakikialam ba tayo pag nagho-hold and China ng military exercises sa Russia at mga ally nila na bansa? Hindi, di ba?” tanong pa ng mambabatas.
Para sa mambabatas, direktang pakikialam ito ng China sa Pilipinas kaya kailangang magkaisa ang sambayan sa pangunguna ng mga kongresista at mga senador para tuligsain ang nasabing bansa.
Nilinaw nito na kahit sa guni-guni ay hindi bahagi ng China ang Pilipinas kaya hindi dapat payagan ang pakikialam ng mga ito sa mga desisyon at ginagawa ng mga lider ng ating bansa.
“Sobra nang pakikialam ang ginagawa ng China sa ating bansa at dapat magkaisa at sama-sama tayong lahat na Pilipino na pigilin at tuligsain ang kanilang mga makasariling layunin sa loob at labas ng bansa, partikular na sa West Philippine Sea,” dagdag pa ng kongresista. (BERNARD TAGUINOD)
