CHINA ‘IYAK’ KAY TARRIELA

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

AT na-bully rin ang BULLY!

Maraming netizens ang napangiti at napapalakpak sa ipinakitang pagkainis ng China kay Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela. Sa sobrang inis, nauwi pa sa diplomatic protest.

Isipin mo ‘yun. Ilang diplomatic protest na ba ang inihain ng Pilipinas laban sa kapitbahay na kilalang nambabarako ng mga Pilipino sa West Philippine Sea? Pero ngayon, bumaligtad ang mundo. Sila naman ang nagrereklamo.

Ang dahilan? Hindi raw katanggap-tanggap ang mga social media post ni Tarriela dahil inaatake at dinudungisan daw ang dignidad ng kanilang lider.

Sa Facebook post kasi ni Tarriela noong Miyerkoles, makikita ang kanyang larawan habang nagsasalita sa De La Salle–College of Saint Benilde SDG Dialogue Series na may temang “Directing the Tides: The West Philippine Sea and Its Impact on National Security.” Sa likod niya, may ilang comical images ni Chinese President Xi Jinping sa ilalim ng banner na: “Why China remains to be bully?”

Dito na nag-init ang ulo ng Beijing.

Naghain ang Chinese Embassy sa Maynila ng diplomatic protest laban kay Tarriela, na tinawag nilang seryosong paglabag sa political dignity ng China at garapal umanong political provocation na lagpas na raw sa red line.

Sa isang pahayag, sinabi ng embahada na galit at mariin nilang kinokondena ang insidente at naghain sila ng tinawag na “solemn representations” sa Malacañang, Department of Foreign Affairs (DFA), at PCG. Kinumpirma ito ni Chinese Embassy deputy spokesperson Guo Wei.

Pero malinaw ang sagot ni Tarriela: wala siyang dapat ipag-sorry.

Sa isang pulong-balitaan noong Sabado, sinabi niya na walang awtoridad ang Chinese Embassy para obligahin siyang magpaliwanag o humingi ng paumanhin.

“There’s no authority for the Chinese Embassy to ask us to explain,” ani Tarriela.

“I don’t think there’s a need for me to apologize to the Chinese Embassy.”

Dagdag pa niya, saklaw ng DFA ang usapin ng diplomatic protest at hindi ng PCG.

Nilinaw rin ni Tarriela na ang kanyang mga post ay hindi paninira kundi paglalahad ng mga makatotohanang pangyayari, na sinusuportahan ng video footage, mga litrato, opisyal na ulat ng PCG, at obserbasyon ng mga third party.

Kung tinututulan umano ng Chinese Embassy ang mga larawang naglalantad ng paglabag even sa anyo ng lehitimong diskurso, ibig sabihin lang nito, hindi sila komportable sa katotohanan.

Noong Huwebes, sinagot din ni Tarriela ang social media post ni Guo Wei matapos siyang akusahan ng pagbibigay ng maling pahayag tungkol sa isyu sa pinag-aagawang karagatan.

Ayon kay Tarriela, tungkulin niya bilang WPS spokesperson na ilahad ang mga reyalidad na ito sa mamamayang Pilipino at sa buong mundo. Hindi rin aniya obligasyon ng pamahalaan ng Pilipinas na disiplinahin siya dahil lang sa tamang pag-uulat ng mga paglabag sa ating karagatan.

Kaya malinaw ang mensahe: walang urungan.

Ipagpapatuloy ng PCG ang pagdodokumento, pag-uulat, at paggiit ng ating soberanya, sovereign rights, at hurisdiksyon sa West Philippine Sea nang mapayapa, batay sa katotohanan, at walang takot.

Kaya palakpakan, mga kababayan.

Biruin mo, darating din pala tayo sa exciting part. Ngayon alam na kung paano kunin ang atensyon ng China. Ngayon ramdam na nila kung ano ang pakiramdam ng nabu-bully.

Bagaman para sa maraming Pilipino, hindi pambu-bully ang ginawa ni Tarriela. Isa lang itong matapang na sagot — sa paraang hindi na nila kayang balewalain — sa bansang nagsasabing kaibigan, pero binabarako tayo sa mismong karagatan na atin.

71

Related posts

Leave a Comment