(NI CHRISTIAN DALE)
KINUMPIRMA ni Presidential spokesperson Salvador Panelo ang paghingi ng paumanhin ng China sa mga Filipino na mangingisda na nasangkot sa Recto Bank incident.
Ito’y makaraan ang halos tatlong buwan nang mangyari ang ‘hit and run’ sa Recto Bank o ang pagbangga at pag-abandona ng Chinese vessel sa bangkang pangisda ng mga Pilipino sa bahagi ng Recto/Reed Bank.
Nauna rito, sa ipinalabas Memorandum ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa kanilang Twitter account, makikita ang bahagi ng apology letter ng China para sa Pinoy fishermen.
Ipinahayag ng China sa naturang sulat ang kanilang pakikisimpatya, gayundin ng may-ari ng Chinese fishing boat, sa mga Pilipino na mangingisda na nasangkot sa insidente.
Sa kabila ng hindi umano nila sinasadya, ang pangyayari ay dapat akuin ng bangkang pangisda ng China.
Samantala, hiniling naman sa Pilipinas na maghain ng apela para sa civil compensation base na rin sa halagang nawala sa mga mangingisda dahil sa nangyaring insidente.
Matatandaang sinabi ni Defense Secretary Defense Delfin Lorenza na dapat humingi ng paumanhin at magbayad ang kapitan ng Chinese fishing boat sa Pilipinas at magbayad sa mga Filipino na mangingisda kaugnay ng insidente sa Recto Bank sa West Philippine Sea.
Ayon kay Lorenzana, dapat ay tinulungan ng Chinese crew ang mga Filipino na mangingisda at hindi ito iniwan na lumulutang sa open sea.
“I think that would be appropriate demand to the ship captain to apologize and make restitution for the damage,” ani Lorenzana
Kaugnay nito, sinabi ni Lorenzana na ang pagbangga ng Chinese boat sa bangka ng mga mangingisda ng mga Pinoy ay isa lang aksidente base sa mga nakalap o ibinigay na mga impormasyon ng ilang crew. “I think it is just an accident, based on some of the information that we got from some of the crew. This is just an accident. Siguro hindi rin sinasadya ng kabila na masagi nila and yun lang, hindi tinulungan dahil maraming bangka syang nakita dun,” sabi ni Lorenzana
Aniya, lalabas naman ang tototo kung sinadya o hindi ang pagbanga sa patuloy na isinagawang imbestigasyon.
